Sikat na bagets actor inaalipin ng sariling pamilya kaya ayaw nang umuwi ng bahay
HANGGANG ngayon pala ay hindi pa rin natututo ang mga mahal sa buhay ng isang guwapong young actor na magbanat ng buto. Iniaasa na lang ng mga ito ang lahat sa halos gumapang na sa puyat at pagod na young actor.
Malalaki ang katawan ng kanyang mga kapamilya at hindi baldado para hindi makakilos, pero nasanay na ang mga ito na umaasa na lang, masyadong matindi ang pinapasang krus sa tunay na buhay ng batang aktor. At ang nakakaloka pa ay bantay-sarado ng pamilya ng young actor ang kanyang mga aktibidad.
Binibilang ng mga ito ang kanyang guesting, pati ang kanyang mga shows sa probinsiya ay nasusundan ng mga ito, ganu’n sila katindi. Kuwento ng isang source, “Kaya nga kung minsan, e, maiintindihan mo kung bakit ayaw muna niyang umuwi sa kanila. Siya ang nagpagawa ng bahay, pero siya pang nagpundar ang ayaw tumira du’n.
“Kasi nga, hindi pa man siya nakapagpapahinga, e, kung anu-ano nang problema ang isinasalubong sa kanya ng mga kapamilya niya. Kesyo, mapuputulan na kuno sila ng ilaw, kesyo walang pambili ng ganito at ganyan.
“E, ang lalaki ng mga katawan nila, kaya nilang magtrabaho, pero mas gusto nilang nirarasyunan lang sila ng kapatid nila! Magsigalaw naman sana sila, kasi, masyado nang nahihirapan ang ginagawa nilang palabigasan!” kuwento ng aming impormante.
Pasalamat sila dahil mabait ang bagets actor. Ginagawa niya ang lahat-lahat para magkaroon ng maayos na buhay ang kanyang pamilya. Pero siyempre naman, may mga pagkakataong napupuno na rin siya, iniiyak na lang pala ‘yun ng young actor.
Pagtatapos ng aming source, “Bradly Guevarra, kilalang-kilala mo siya, kahit wala na ang mahal nating kuya na nag-alaga sa kanya nu’n, e, marami pa rin siyang trabaho dahil maganda ang puso niya.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.