Police station pinasabugan; 6 pulis, 2 sibilyan sugatan
John Roson - Bandera June 21, 2016 - 03:19 PM
Anim na pulis at dalawang sibilyan ang nasugatan nang masabugan ng granadang hinagis ng mga di pa kilalang salarin sa police station ng Maasim, Sarangani, Lunes ng gabi, ayon sa pulisya.
Naganap ang pagpapasabog halos dalawang buwan matapos magsagawa ang pulisya ng operasyon laban sa mga kasapi ng isang grupo, na diumano’y konektado sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS), sa Maasim.
Kabilang sa mga sugatan si Insp. Danilo Abayata, ang deputy police chief ng Maasim, pati na sina PO1 Almasir Tingkasan, PO1 Romel Bedua, PO1 Mark Victor Naya, PO1 Rowell Sobretodo, at PO1 Socram Sugod, sabi ni Supt. Romeo Galgo, tagapagsalita ng Central Mindanao regional police.
Sugatan din ang dalawang sibilyan, na nakilala bilang sina Leonardo Dela Peña at Jethoponie Nabales.
Naganap ang pagsabog alas-8:38 sa gate ng Maasim Police Station sa Brgy. Poblacion.
Hinagis ng mga di pa kilalang tao ang granada, na nahulog at sumabog sa pagitan ng police station at barangay health center, ani Galgo.
Isinugod ang mga sugatan sa ospital. Sina Dela Peña at Nabales ay pinayagang makauwi matapos malunasan dahil bahagyang pinsala lang ang tinamo.
Dinala ang mga sugatang pulis sa iba-ibang pagamutan sa General Santos City, ani Galgo.
Noong Abril 28, matatandaang nagsagawa ang Maasim PNP at iba pang police unit ng operasyon laban sa mga kasapi ng Ansar Khilafa Philippines, na nagsasabing may kaugnayan ang kanilang grupo sa ISIS.
Dalawang kasapi ng AKP ang napatay habang matataas na kalibreng baril, mga granada, piyesa ng bomba, at itim na bandilang kapareho ng gamit ng ISIS ang narekober sa kuta ng grupo sa Brgy. Daliao.
Ayon kay Galgo, inaalam pa ng mga imbestigador kung sinong nasa likod ng pagpapasabog Lunes ng gabi, at kung konektado ang insidente sa operasyon laban sa AKP.
“Investigation is still underway. We still cannot say if it was connected to the operation,” aniya.
– end –
Reply, Reply All or Forward |
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending