2016 Battle of the Grandmasters susulong na
PAGLALABANAN ang tatlong silya na bubuo sa koponan sa kalalakihan at kababaihan na sasabak sa 42nd World Chess Olympiad sa pagsasagawa ngayon ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) sa Battle of the Grandmasters sa Philippine Sports Commission’s Athletes Dining Hall.
Sinabi ni NCFP executive director at Grandmaster Jayson Gonzales na isasagawa ngayon ang draw para sa mga nagsipagkuwalipika habang magsisimula ang opisyal na sulungan bukas ng umaga sa torneo na nakataya ang silya para sa World Chess Olympiad na gaganapin sa Setyembre 1 hanggang 14 sa Baku, Azerbaijan.
“Three slots ang pag-aagawan para sa ipapadalang national team na pupunta sa Chess Olympiad while the two slots for each gender will be decided by the NCFP Board,” sabi ni Gonzales.
Limang lalaki at limang babae ang bubuo sa pambansang koponan na hangad mapaganda ang huling pagtatapos ng bansa sa ika-46 puwesto sa men’s class at ika-64 sa women’s division na isa sa masaklap na kampanya ng bansa.
Kabuuang 12 ang makakalahok sa babae habang walo naman sa lalaki.
“Seeded ang lahat ng WIM at lima sa katatapos lamang na NCC Semifinals,” sabi ni Gonzales. “All GMs are seeded, but hindi lahat ay magku-qualify.”
Ang nagkampeon sa katatapos lamang na NCFP National Chess Championships na sina untitled Judith Pineda at Intermational Master Paolo Bersamina ay kabilang din sa makalalahok sa torneo na inaasahang lalahukan nina GMs Eugene Torre, Joey Antonio, Darwin Laylo, John Paul Gomez at United States-based Rogelio Barcenilla, Jr. sa men’s division at Women International Masters Janelle Mae Frayna at Chardine Cheradee Camacho sa women’s division.
Sasabak din sa torneo si Gonzales sa siyam na araw na torneo kasama sina International Masters Haridas Pascua at Chito Garma, FIDE Master Narquinden Reyes at qualifiers Hamed Nouri, Emmanuel Emperado, Michael Gotel at Marvin Miciano.
Isa na sa seeded players na awtomatikong makakasama sa pambansang delegasyon na tutungo sa Baku si US-based GM Julio Catalino Sadorra, ang highest-ranked woodpusher sa bansa na may rating na 2531 at siyang nasa top board sa huling pagkampanya sa Tromso, Norway Olympiad dalawang taon na ang nakalipas.
Ang untitled na si Pineda ang darkhorse favorite sa women’s side matapos na magwagi sa NCC semifinals nitong nakaraang linggo kung saan hindi ito natalo sa itinalang limang panalo at tatlong draw sa walong round.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.