Marcial sibak agad sa AIBA Rio Olympics qualifier
UUWING luhaan ang delegasyon ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) matapos mabigong makasungkit ng dagdag na silya sa 2016 Rio Olympic Games dahil sa maagang pagkatalsik ng welterweight na si Eumir Felix Marcial sa ginaganap na AIBA World Olympic Qualifying Event sa Baku, Azerbaijan.
Nawalang saysay at hindi nagamit ng seeded No. 1 na si Marcial ang nakuhang bye sa draw sa unang round matapos na malasap ang nakakadismayang split decision sa 1-2 kabiguan kontra sa nakaharap sa ikalawang round na si Abass Baraou ng Germany sa men’s welterweight (69kg) division.
Nakatapat ni Marcial si Abass na nagawang patulugin si John Nyika ng New Zealand John Nyika sa ikalawang round.
Tanging nakuha ni Marcial ang 29:28 iskor sa hurado na si Babak Bordbar ng Iran sa naging mahigpitang labanan bago na lamang pumabor sina Kheira Sidiyakoub ng Algeria at Rovshan Huseynov ng Azerbaijan kay Abass mula sa parehas na ibinigay na 29-28 iskor.
Una nang nabigo ang kasamahan nito na si Ian Clark Bautista sa flyweight category sa una pa lamang pagsabak sa torneo na sinabakan ng 469 boksingero mula sa kabuuang 105 bansa.
Nakasagupa ng 21-anyos na si Bautista, isa sa limang Pinoy boxers na nagwagi ng gintong medalya sa 2015 Southeast Asian Games sa Singapore, ang two-time Olympian José Kelvin de la Nieve Linares ng Spain na nagpalasap dito ng kabiguan sa men’s flyweight (52kg) class.
Dahil sa kamalasan ay nanatiling dalawa pa rin ang boksingerong nag-qualify sa Rio Olympic Games na sina light flyweight Rogen Ladon at lightweight Charly Suarez. Nakatakdang magtungo sa Las Vegas, USA sina Ladon at Suarez para sa puspusang pagsasanay.
Isasagawa sa Hulyo sa Vargas, Venezuela ang huling qualifying tournament para naman sa APB, WSB at lahat ng propesyonal na boksingero na lalahok para makasungkit ng silya sa Rio Olympics na gaganapin sa Agosto 5-21.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.