Sino ang takot sa mandatory drug test sa mga kongresista?
NITONG nakaraang Martes, naging panauhin si incoming Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez sa Meet The Inquirer Multimedia kung saan sinabi niyang bukas siya sa ideya na isailalim ang lahat ng mga kongresista sa mandatory drug test.
Ito’y sa harap naman ng kampanya ni President-elect Rodrigo Duterte laban sa iligal na operasyon ng droga sa bansa.
“Why not,” sabi ni Alvarez, at “I will take that suggestion serioudly,” matapos namang tanungin na suportado niya ang pagsasailalim sa drug test ng lahat ng mga kongresista sa gitna ng alegasyon na bukod sa mga heneral, sangkot din ang tinatayang 35 na mga lokal na halal na opisyal sa droga.
Sa kampanya laban sa droga, dapat maging huwaran ang mga mambabatas at manguna sa pagpapa-drug test.
Ano nga ba ang problema kung sakaling isailalim sa mandatory drug test ang mga kongresista gaya na rin nang ikinukonsidera ngayon ni Alvarez?
Wala naman sigurong masama kung ituloy man ito ni Alvarez lalo pa ngayon na matindi naman ang kampanya ng papasok na gobyerno ni Duterte.
Hindi ba at magiging magandang ehemplo sa publiko kung ang mga inihalal nilang kongresista ay makikita nilang tatalima sa drug testing para mapatunayan na hindi sila mga adik.
Kung talaga kasing seryoso ang gobyerno na labanan ang iligal na droga, kailangan pasimulan ito sa mga lider ng pamahalaan.
Paano nga naman seseryosohin ito kung ang mga miyembro ng gobyerno ay mga adik at may koneksyon sa illegal drug operations.
Marami namang kongresista ang pabor sakaling ituloy nga ang drug test. Naniniwala sila na dapat silang “mag-lead by example” lalo pa sila ang gumagawa ng batas laban sa ipinagbabawal na gamot.
Si Marikina Rep. Quimbo nga ay iniyabang pa na noon pa niya ito isinusulong dahil paniwala niya “the people deserve nothing but the most honest and transparent public servants.”
Sinabi pa ni Quimbo na mas maganda kung hindi lamang sa Kamara gawin ang mandatory drug test, kundi sa lahat.
Nagtataka lang tayo kung bakit malamig dito si Ilocos Norte Rep. Rudy Fariñas, na siya pa namang napapabalitang gagawing House majority leader.
Sinabi ni Fariñas na hindi ito dapat gawing compulsory ang drug test, bagkus ay kusang papaasilalim sa drug test.
Idinagdag niya na kung gusto ng ibang kongresista magpa-drug test hayaan daw sila, pero walang pilitan. Kailangan daw voluntary lang, paglabag umano ito sa privacy ng isang indibidwal.
Sinabi na rin ng incoming PNP chief dela Rosa na kailangang na magpa-drug test ang lahat ng mga pulis sa bansa buong bansa.
Ang usapin dito ngayon ay transparency laban sa pagiging pribado ng buhay ng isang mambabatas.
Kailangan bang mangibabaw ang privacy ng isang opisyal kesa sa isinusulong na transparency?
Kung ano ang tunay na dahilan kung bakit ayaw ni Fariñas ng mandatory drug test sa mga kongresista ay tanging siya lang ang nakakaalam.
Kung talagang seryoso ang bagong papasok na administras-yon, dapat ay ituloy ang drug testing sa lahat ng mga halal na opisyal ng gobyerno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.