PNoy nagsori kay Trudeau matapos pugutan ng Abu Sayyaf ang isa pang bihag na Canadian
LUMIPAD ngayong araw si Pangulong Aquino sa Jolo, Sulu matapos namang pugutan ang isa pang Canadian national na bihag ng Abu Sayyaf.
Nagpasalamat din si Aquino sa Canada at Norway matapos suportahan ang “no ransom policy.”
Nagsori rin si Aquino kay Canadian Prime Minister Justin Trudeau matapos ang pagkakapugot sa isa pang Canadian na si Robert Hall noong Lunes.
“Humingi ako ng paumanhin sa Prime Minister ng Canada dahil hindi lang isa, dalawa sa kanilang kababayan ang namatay,” sabi ni Aquino.
Nauna nang pinugutan ng Abu Sayyaf ang Canadian na si John Ridsdel matapos namang hindi ibigay ang hinihinging ransom.
Kasabay nito, sinabi ni Aquino na kinonsidera niya ang pagdedeklara ng Martial Law sa Sulu, bagamat ibinasura rin ito dahil hindi ito garantiya ng positibong resulta.
Ayon kay Aquino, posibleng magresulta pa ito ng mga makikipagsimpatiya sa teroristang grupo.
Idinagdag ni Aquino na tinawagan din niya si Norway Prime Minister Erna Solberg kaugnay naman ng isa pang bihag ng Abu Sayyaf na si Norwegian Kjartan Sekkingstad.
Hawak pa rin ng bandido si Sekkingstad at ang Pinay na si Maritess Flor.
Humihingi ang Abu Sayyaf ng P600 milyong ransom kapalit ng kalayaan ng mga bihag na dinukot mula sa Samal Island, Davao del Norte noong Setyembre 2015.
Idinagdag ni Aquino na nananatili ang paninindigan ng gobyerno kaugnay ng no ransom policy.
“Kaya pag walang ransom, mababawasan yung interes na sumama sa kanilang mga hanay. Maiiwan na lang yung core group na mas maliit,” ayon pa kay Auino.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.