SA larangan ng baseball, wala nang tatalo pa sa Philippine Air Force. Kahapon ay binigo ng PAF ang IPPC Hawks, 9-3, sa Rizal Memorial Baseball Field para sa ikatlong sunod na kampeonato sa PSC Commissioner’s Baseball Cup.
Sa kabuuan ay limang dikit na titulo na ang napagwagian ng koponan kabilang ang dalawang korona sa Chairman’s Cup na inorganisa rin ng Philippine Sports Commission (PSC). Sinamantala ng Airmen ang mga pagkakamali ng Hawks sa ikawalong inning upang mabura ang 3-2 kalamangan ng kalaban.
Umiskor ang IPPC ng dalawang run sa unang inning at isa sa 6th inning upang makuha ang abante.Gayunman, isang catching error ng IPPC sa top of the 8th ang nagpasimula sa pagragasa ng Airmen na humataw ng pitong runs mula kina Pareja, magkapatid na Edmer at Ryan Del Socorro, Gherome Bacarisas, Randy De Leon, Vernon Diaz, Jonathan Pinero at Rodolfo Linguayan.
Hindi na nakaiskor pa ang IPPC. “Sana ituloy ng ating incoming president at sinuman uupo na PSC chairman ang programa na ito dahil sa totoo lang po ay ito lamang ang nasasalihan na torneo at nagagamit namin na paghahanda sa mga internasyonal na torneo na aming sinasalihan,” sabi ni PAF coach Romeo Bumagat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.