Huling 2 silya sa PSC Baseball Cup semifinals pag-aagawan
Mga Laro Ngayon
(Rizal Memorial Baseball Field)
8 a.m. Unicorns vs DLSU
10 a.m. Thunderz vs ADMU B
OKUPAHAN ang dalawa pang silya sa semifinal ang hangad ngayong umaga ang Unicorns at Thunderz sa pagsagupa nito sa matitinding kalaban na De La Salle University at Ateneo de Manila B sa matira-matibay na quarterfinals ng 2016 PSC Commissioners Baseball Cup sa Rizal Memorial Baseball Field.
Pilit na lalapit ang apat na koponan sa kampeonato kung saan unang maghaharap ang Unicorns at ang De La Salle sa ganap na alas-8 ng umaga bago sundan ng sagupaan sa pagitan ng Thunderz at Ateneo de Manila B sa alas-10 ng umaga.
Winalis ng Unicorns, na binubuo ng pinagsamang dating miyembro ng magkaribal na ADMU Blue Eagles at DLSU Green Archers, ang apat na laro sa eliminasyon sa Group B tungo sa quarterfinals habang nabitbit ng reigning UAAP champion DLSU ang 3-1 panalo-talong kartada para sa ikalawang puwesto matapos ang kanilang mga laro sa Pool D.
Inokupahan naman ng ADMU B ang top spot sa Pool B bagaman nakatabla nito sa 3-1 panalo-talong kartada ang DLSU at ang Philippine National Games (PNG) champion Rizal Technological University bunga ng mas mataas na tiebreak quotient.
Sasagupain ng Ateneo B, na binubuo ng mga bata at baguhang Filipino-American baseball players na narekruta ng Blue Eagles, ang beteranong koponan na binubuo ng mga ex-pats na Thunderz, na pumangalawa sa Pool B matapos itala ang 3-1 panalo-talong kartada.
Nauna nang tumuntong sa semifinals ang apat na sunod nagkampeon at nagtatanggol din sa titulo na Philippine Air Force na binigo ang University of Santo Tomas, 5-1, at ang binubuo ng mga miyembro ng dating kampeon na IPPC Hawks na pinatalsik ang National University Bulldogs, 6-3.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.