Megan Young bagong ka-loveteam ni Mark Herras
ISANG masayang Linggo para sa buong pamilya ang maaasahan sa bagong comedy series ng GMA News and Public Affairs na Conan My Beautician simula June 26 na pagbibidahan ng Bad Boy ng Dancefloor na si Mark Herras at Miss World 2013 Megan Young.
Gaganap si Mark bilang si Conan, isang gwapong lalaking may mga tattoo sa katawan. Lalaking-lalaki man, isang magaling na beautician ng Salon Paz ang binata.
Nagpanggap lang kasi siyang bading upang makapagtrabaho sa salon. Kailangan niya kasi ng trabaho para matustusan ang kanyang ina na nasa ospital at upang maitaguyod ang kanyang pamilya matapos silang palayasin sa kanilang lugar ng salbaheng si Chika La Chaka (Cacai Bautista).
Nang makilala ni Conan si Ava (Megan)—isang babaeng kanyang inayusan—mahuhulog ang loob nito sa dalagang nakatakda nang ikasal.
Ang mga co-beautician ni Conan sa Salon Paz na sina Greg, “The Paminta” (Jerald Napoles); Mimi, “The Hugot Queen” (Betong Sumaya); Debbie, “The Babaeng Bakla” (Boobsie); at Pia, “The Kontesera” (Tetay) tila makakahalata. Isa nga ba si Conan sa kanila, o may itinatago itong lihim?
Makikisaya pa sa nasabing comedy series sina Lotlot de Leon, Jay Manalo, ang YouTube Sensation na si Balang, Chlaui Malayao (mula sa Little Nanay), Vangie Labalan at Antonette Garcia.
Isang masaya, light, at tiyak na patok sa buong pamilyang palabas ang Conan My Beautician. Ang male Cinderella story na ito ay mula sa direksyon ni Adolf Alix Jr., kasama si Rember Gelera. Mapapanood na ang Conan My Beautician simula sa June 26, 5 p.m. sa GMA 7 at bahagi ito ng ika-66th anniversary offering ng Kapuso Network.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.