ANG kasalukuyang nakikitang uri ng relasyon sa pagitan ng media at ng papasok na pangulong si Rodrigo Duterte ay ang uri ng relasyon na nasa magkabilang panig.
Wala sila sa iisang poder.
Kailangan ito upang mapanatili ng media ang kanyang tungkulin na magtanong, mag-usisa at mag-imbestiga para makapagbalita ng tapat at totoo.
Sa harap ng hamon ng isang bagong pangulo na walang pakundangan sa kanyang mga salita at gawi, paano nga ba dapat na kumilos at magsalita ang media?
Ano ba ang dapat maging tugon ng media sa uupong pangulo na masakit magsalita at may kabastusan?
Sa ganang akin, anuman ang kundisyon na inilalatag ng bagong pangulo, dapat na mas maging masigasig ang media sa pagtatanong kahit pa magdulot ito ng matabil at mapanuksong sagot mula sa pangulo.
Dapat isantabi, sa ganang akin, ang damdamin; higit na pairalin at ang atas ng tungkulin sa pagbabalita.
Hindi na magbabago ang asta o ugali ng papasok na pangulo. Inihalal siya ng mayorya na ganyan ang kanyang asta, bakit siya magbabago para sa mga hindi bumuto sa kanya?
Ito sa tingin ko ang kanyang mentalidad kaya anumang panawagan na magbago siya o maging “presidentiable” ay hindi uubra.
Hindi magiging “presidentiable” ang salita, asal at gawi ni Duterte ayon sa dikta ng mga hindi naniniwala sa kanya o ayon sa panuntunan ng lipunan. Ito na ang ipinakita niya sa simula pa lamang.
Nangako siya ng pagbabago at ang totoo, ang sarili niya mismo ang unang inihain niyang pagbabago, siya ang pagbabago.
Wala raw sa kanya ang inaasahang katangian ng isang pangulo. Pero teka, sino ba ang naglapat ng mga nararapat na katangian ng isang pangulo?
Sino ba ang nagtakda ng mga gawi o asal na karapat-dapat?
Ang kailangan lang ay manalo siya, at nangyari na nga iyon.
Kung ano ang gawi, asal at pananalita ni Dutere, hayaan natin siya.
Ang pananagutan niya sa bayan bilang pangulo ay ang kanyang pangako ng pagbabago na ang dapat na maging resulta ay pag-angat at pag-unlad ng kalagayan ng bansa.
Ang pananagutan ng media ay sa bayan din – ang pagbabantay sa katotohanan, ang pagbubunyag ng mga katiwalian, sinoman ang tamaan.
Magiging malaking hamon ang magbalita sa mga gawain at pahayag ng pangulo kung magtutuloy-tuloy ang kanyang plano na ang government station lamang ang papayagan na mag-cover o magsahimpapawid ng kanyang mga opisyal na pahayag sa bayan.
Sabihin na nating pahihirapan ang media dahil nagkagirian na nga ang media at ang bagong pangulo.
Pero hindi ito nangangahulugan na mapipigilan na ang media sa pagbabalita tungkol sa kanya, at sa mga pagbabagong kanyang ipinangako.
Hindi gusto ng pangulo ang media? Ok lang yun. Hindi niya tayo kailangang magustuhan. Nasaktan tayo? Ok lang yun. Kasama yan sa ating trabaho.
Sino ba ang nagsabing madali ang maging bahagi ng media? Sino ba ang nagsabing hindi maaaring danasin ng media ang ganoong uri ng pagtrato?
Hindi tayo dapat umaray, umangal sa kanyang gawi o asal. Siya ang mananagot sa kalaunan. Sa halip dapat tayong mas maging matatag sa harap ng isang lider na kakaiba, malayo sa ating nakasanayan o inaasahan o pinapangarap kaya.
Hayaan natin siyang maging pangulo sa paraang gusto niya. Kanya-kanyang istilo yan, kanya-kanyang diskasrte, at iyon ang kanyang istilo at diskarte.
Hayaan natin siyang mamuno sa paraang gusto niya.
Ngunit manatili tayong nakatuon sa ating taal na tungkulin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.