BINUHAY ng Metropolitan Manila Development Authority ang panukalang ituro sa high school ang mga batas trapiko.
Sana ay matuloy ito. Mahalaga na malaman kahit ng mga estudyante— bago pa man sila umabot sa edad na maaari na silang kumuha ng lisensya sa pagmamaneho— ang mga batas trapiko.
Aminin natin na hindi lahat ng mga driver— kahit na ‘yung may mga hawak ng professional driver’s license— ay alam kung ano ang ibig sabihin ng mga signage.
Marami rin ang hindi nakakaalam kung ano ang ibig sabihin ng mga guhit sa kalsada— gaya ng tuloy-tuloy na guhit o yung putol-putol— kaya kung minsan sila na nga ang mali, sila pa ang may ganang magalit akala kasi nila sila ay tama.
Hindi rin naman tayo bago sa mga kuwento ng mga nakakuha ng lisensya na hindi dumaan sa tamang pagsusulit. Yung mga nag-abot na lamang sa examiner para ipasa.
Bukod sa mga driver, dapat ay ituro rin sa mga estudyante ang tamang pagtawid. Dapat ay igiit sa kanila ang pagkakaroon ng disiplina.
Isa ang pagtawid sa mga hindi pedestrian lane sa mga dahilan kung bakit trapik. Sa mga lugar na ito rin nagkukumpulan ang mga pampasaherong sasakyan na nagaabang ng pasahero.
Sa ibang bansa, mayroong mabigat na batas laban sa mga taon tumatawid sa mga hindi tawiran.
Sa kanila, kapag nabangga ka ng sasakyan sa lugar na hindi tawiran, walang pananagutan ang driver.
Dito sa atin ay hindi ganito. Kahit na mali ang pagtawid, kasalanan ng driver kapag nabangga niya ito.
Siya ang magpapa-ospital o kaya ay magpapalibing. Kung minalas-malas ang driver ay mahuhuthutan pa siya.
Sana ay maisipan din ng susunod na administrasyon ang problemang ito.
At kung merong mga driver na hindi alam ang batas trapiko, meron ding mga traffic enforcer na tila hindi alam kung ano ang kanilang ginagawa.
Maraming ganito sa labas ng Metro Manila.
Meron kasing mga traffic enforcer na naging traffic enforcer nang hindi man lamang dumaraan sa seminar. Nailagay lang sa puwesto dahil malakas kay mayor o inilakad para magkatrabaho.
Sila ay isa rin sa dahilan ng trapik. Dahil hindi nila alam ang batas hindi nila ito naipatutupad ng tama.
Kahit na dinadaan-daanan sila ng mga violators ay parang wala lang.
Isa sa kalimitang nilalabag ay ang hindi pagsusuot ng helmet. Malinaw sa traffic law na dapat nakasuot ng helmet ang mga sumasakay ng motorsiklo pero maraming lumalabag.
Andyan bagong ligo daw kaya ayaw mag-helmet, magugulo ang hair style at mainit daw kapag naka-helmet.
Isa pa ay ang sobrang sakay ng motorsiklo. Dapat ay dalawa lang ang sakay ng motorsiklo pero marami ang lumalabag. Minsan tatlo, meron pang apat kung saan ipinapalaman ang mga bata.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.