Toronto Raptors giniba ang Cleveland Cavaliers sa Game 3 ng East Finals
TORONTO — Winakasan ng Toronto Raptors ang perpektong playoff run ng Cleveland Cavaliers matapos nila itong tambakan sa Game Three, 99-84, at idikit ang kanilang NBA Eastern Conference finals series sa 2-1.
Umiskor si DeMar DeRozan ng 32 puntos habang si Bismack Biyombo ay nagtala ng Toronto playoff record 26 rebounds para ipalasap sa Cavaliers ang unang pagkatalo sa postseason matapos magtala ng 10 sunod na pagwawagi.
Nakagawa rin si Biyombo ng apat na blocks para tulungan ang Toronto na malimita ang Cleveland sa 20 puntos sa paint.
Si Kyle Lowry ay nagdagdag ng 20 puntos, si Cory Joseph ay nag-ambag ng 14 puntos at sina Patrick Patterson at DeMarre Carroll ay kumamada ng tig-10 puntos para sa Raptors, na natalo sa naunang dalawang laro ng Cleveland sa pinagsamang 50 puntos.
Gumawa si LeBron James ng 24 puntos habang si J.R. Smith ay kumana ng 22 puntos para sa Cleveland, na nabigong tapatan ang 11 diretsong panalo na record mula sa pagsisimula ng postseason na itinala ng Los Angeles Lakers. Nagawa ito ng Lakers noong 1989 at 2001.
Si Kyrie Irving ay umiskor ng 13 puntos habang si Channing Frye ay nagdagdag ng 11 puntos para sa Cavaliers, na hindi umabot sa 100 puntos sa unang pagkakataon sa playoffs.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.