Digong, manunumpa sa barangay kapitan? | Bandera

Digong, manunumpa sa barangay kapitan?

Ramon Tulfo - May 19, 2016 - 03:00 AM

NOONG kasagsagan ng kampanya sa nakaraang eleksiyon, sinabi sa akin ni Davao City Mayor Digong Duterte na kapag siya’y nahalal na Pangulo, aalisin niya ang protocol sa panunumpa ng bagong Pangulo ng Republika.

Sa protocol kasi, ang Chief Justice ang manunumpa sa bagong Pangulo ng Pilipinas.

Sinabi ni Digong sa akin na manunumpa lang siya sa harap ng barangay kapitan sa di magarbong seremonya.

Si Digong, na may ugaling non-conformist o maverick, ay puwede niyang totohanin ang kanyang sinabi sa inyong lingkod kung siya’y manunumpa sa harap ni Barangay Kapitan Mar Masanguid ng Agdao District sa Davao City .

Si Kap Mar ang kauna-unahang nagpanukala sa kanyang programa sa radyo DXOW na tumakbo si Digong sa pagka-Pangulo matagal pa bago napag-isipan ng lahat na tumakbo siya.

Inumpisahan ni Masanguid ang signature campaign sa kanyang barangay na nanawagan sa Davao City mayor na tumakbo sa pagka-Pangulo.

Tama lang na bigyan ng pagkilala si Masanguid sa ginawa niya kay Digong.

Si Digong ay dapat manumpa sa harap ni Masanguid.

Ang presidential oath-taking ay magiging kauna-unahan at makasaysayan para sa bansa.

Bakit legal na manumpa sa harap ng barangay kapitan ang bagong Pangulo?

Ang barangay ay basic o pinakamaliit na political unit ng gobiyerno.

Gaya ng Pangulo, ang barangay kapitan ay hinahalal ng kanyang mga constituents.

Dahil si Digong ay maka-masa, ipakikita niya ang kahalagahan ng barangay sa pagpapatakbo ng national government kapag nanumpa siya sa harap ni Masanguid.

Parang hindi pinag-isipang mabuti ni Digong ang pagpili niya kay Salvador Panelo bilang presidential spokesman, at reelected Rep. Mark Villar bilang secretary of public works and highways.

Magiging hindi maganda ang pakikitungo ni Digong sa media dahil sa pagmumukha at pag-uugali ni Panelo.

Una, walang kara si Panelo. Kailangan sa isang presidential spokesperson ay maaliwalas ang pagmumukha dahil haharap siya sa mga TV camera.

Ang TV kasi ay isang very cruel medium at lahat ng kapangitan ng isang tao ay nabibisto sa harap ng camera.

Pangalawa, ang mga pakuwela ni Panelo at ang kanyang mga nakakatawang sinusuot sa kanyang katawan ang magiging katawa-tawa; ang mga ito’y hindi magandang reflection kay Digong.

Kailangang alisin ni Digong ang kakaibang kumilos na abogado kung gusto niyang igalang siya ng media.

Kay Mark Villar naman tayo dumako.

Baka horse trading ang nangyari nang inapoint ni Digong si Mark, anak nina dating Sen. Manny at Sen. Cynthia Villar, upang gawin itong miyembro ng kanyang Gabinete.

Sumanib na kasi sa bagong administrasyon ang Nacionalista Party ng mga Villar.

Baka hindi nakita ni Digong na gagamitin ng mga Villar ang pagiging public works and highways secretary ni Mark sa kanilang mga negosyo sa real estate.

All roads and highways might lead to Camella Homes and other subdivisions owned by the Villars.

Natalo si Manny Villar noong 2010 presidential election dahil diumano ay ginamit niya ang kanyang poder sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Pinuwersa raw ni Senador Manny ang DPWH na ipadaan ang road construction sa C-5 Road extension sa gitna ng real estate properties ng mga Villar upang lumaki ang presyo ng kanilang lupa.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Isa pa, kapag inapoint na si Mark Villar sa Gabinete ni Digong, mawawalan ng representation ang mga mamamayan ng Las Pinas sa Kamara de Representantes.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending