Grace pinatunayang may malaking espasyo pa rin sa mundo ang mga pulot na sanggol
ANG pagiging disente at mapagkumbaba pa rin ni Senadora Grace Poe ang pinagpistahan sa halos lahat ng umpukan ngayon ng mga Pinoy. Matinding respeto ang ibinigay kay SGP ng ating mga kababayan sa maaga niyang pagko-concede sa laban dahil sitenta porsiyento na ng mga boto sa buong bansa ang nabibilang.
Tumawag muna siya kay Mayor Rodrigo Duterte bago siya nagpahayag ng opisyal na pagtanggap sa mabunying tagumpay ng kanyang katunggali. Pasado alas dose nang madaling-araw nu’ng Martes ay nagbigay na ng puwang si SGP para kay Mayor Digong.
“Nagsalita na po ang ating mga kababayan. This is the voice of the majority, this is majority rule, kaya kailangan nating respetuhin ang boses ng mamamayan,” pahayag ng senadora sa kanyang sinserong pagtatawid.
Agad-agad na nagsalimbayan sa social media ang mga positibong mensahe ng mga netizens dahil sa pagiging mapagkumbaba ng senadora. Puro papuri ang mababasang mensahe patungkol kay Senadora Grace Poe. Ginawa niya ang lahat, sinikap niyang ilatag sa ating mga kababayan ang kanyang mga plataporma, pero hindi pa rin naging sapat ang kanyang mga ginawa.
May tatlong taon pang natitira sa Senado ang anak nina FPJ at Susan Roces, wala man siya sa Malacañang ay napakarami niyang magagawang batas para sa kaunlaran ng ating bayan at ng ating pamayanan, pero sa kanyang pagkabigo sa panguluhan ay isang matinding mensahe ng katotohanan ang kanyang iniwan. Ang mga foundlings na tulad niya, ang mga batang pulot kung tawagin, ay may malaking espasyo sa mundo para mangarap din.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.