Tignan: Mensahe ni Pangulong Aquino para sa eleksiyon bukas
Ngayon pong araw ng halalan, gagampaman natin ang isa sa mga pinakasagradong tungkulin ng isang Pilipino. Ipapamalas natin ang diwa ng ating demokrasya: Bawat isa sa atin, anuman ang kalagayan sa buhay, ay may tag-iisang boto, upang direktang maghalal ng mga susunod nating pinuno. Ito ang bubuo ng ating kolektibong desisyon ukol sa kinabukasan ng ating bansa.
Harinawa po, sa puntong ito, ay nakapagnilay na kayo nang malalim ukol sa inyong pasya. Karangalan ko pong maging bahagi ng mapayapang pagsasalin ng kapangyarihan sa ilalim ng ating mga demokratikong proseso.
Ang panawagan ko po: Gawin natin ang lahat upang maging maayos ang ating eleksyon. Paalala lang po: Alas singko ng hapon magsasara ang botohan. Kung maaari po, magtungo tayo sa mga presinto nang maaga. Pumila po tayo nang maayos at sundin ang mga alituntunin ng COMELEC. Labag po sa batas ang pangangampanya sa araw ng halalan, kaya’t huwag na po tayong magsuot ng parapernalya. Matapos bumoto, umuwi tayo nang tahimik. Sa pagsubaybay sa resulta ng eleksyon, siguruhin po nating may kredibilidad ang pinanggagalingan ng impormasyon bago ito paniwalaan. Huwag tayong magpadala sa kuro-kuro o maling balita.
Ipakita po natin sa buong mundo na gaano man kalalim ang ating mga damdamin at paninindigan para sa ating kandidato, ay kaya nating magsagawa ng isang eleksyong mapayapa, maayos, at tunay na sumasalamin sa diwa ng demokrasya.
Idiin ko lang po: Sa demokrasya, lahat ay nakakapagdesisyun. Sa huli, pagkatapos ng halalan, nawa’y matigil na ang bangayan. Igalang at unawain natin ang anumang pasyang bunga ng pagsasama ng tinig ng mas nakararami para sa ating lahat.
Gaya po ng lagi: Tiwala sa Diyos at sa isa’t isa ang susi sa tagumpay ng ating lahi.
Maraming salamat po.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.