Kambal na UAAP football crown tatangkaing iuwi ng UP
MAGTATANGKA ang University of the Philippines (UP) Fighting Maroons na maiuwi ang kambal na korona sa pagsabak nito sa kapwa winner-take-all na men’s at women’s football championship sa pinakahuling sport na paglalabanan bago tuluyang magsara ang UAAP Season 78 sa Rizal Memorial Stadium football pitch.
Unang magsasagupa ang UP women’s team na makakatapat ang De La Salle University Lady Booters bago ang salpukan ng Ateneo de Manila University at ang nagpapakitang husay na UP Maroons sa alas-3 ng hapon.
Ito ang unang pagkakataon na maghaharap sa Finals ang dalawang unibersidad na nakabase sa Katipunan sapul noong 2012-13 season kung saan winalis ng Eagles ang Fighting Maroons sa kanilang dalawang beses na paghaharap na kapwa nadesisyunan sa pamamagitan ng penalties.
Hangad ng Eagles ang ikapito nitong titulo habang tangka ng Maroons ang ika-17 nitong kampeonato subalit una sapul noong 2011-12 season.
Pilit din babawi ang Ateneo mula sa tinamong kabiguan sa women’s volleyball sa paghahangad sa huling panalo na magbabalik dito sa pagbawi at pagwawagi muli sa men’s football championship.
Matatandaan na halos tila wala nang tsansa na makatuntong sa Final Four ang Blue Eagles bago nagawa nina Carlo Liay at goalkeeper JP Oracion na biguin ang karibal na De La Salle Green Booters sa penalty shootout, 5-4, matapos ang 1-1 pagtabla sa 120 minutong paglalaro sa Final Four matchup noong nakaraang Huwebes.
Si Liay, na minsan tinanghal na Rookie of the Year, ang nagtulak sa Ateneo sa abante sa iskor na 5-4 bago lamang ang pagiging bayani ni Oracion, na ipinalit sa dagdag na oras, para sa krusyal na save sa atake ni Jose Montelibano ng De La Salle upang patalsikin sa kampeonato ang Green Archers.
Binokya naman ng Fighting Maroons ang University of Santo Tomas, 3-0, sa isa pang pares sa Final Four upang tumuntong sa matira-matibay na kampeonato.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.