APRUBADO na at opisyal na tinanggap ang nominasyon ni Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) president Dr. Philip Ella Juico sa beteranong long jumper na si Maristella Torres-Sunang bilang lahok ng Pilipinas sa 2016 Rio Olympics sa ilalim ng Universality principle.
Ipinaalam mismo ni Juico na ang kanilang nominasyon ay inaprubahan ng technical delegates mula sa International Association of Athletics Federations (IAAF) sa ipinadalang e-mail ni Carlo de Angeli, IAAF Competition Department-Senior Manager sa Patafa nito lamang Linggo.
Ipinaliwanag ni Juico na ang “principle of Universality ay isang Fundamental Principles ng OIympic movement.” Ang pagsasagawa nito ay base sa pagtanggap sa partisipasyon ng alinman kasarian sa Olimpiada partikular na sa isang bansa o teritoryo na inirerepresenta ng isa lamang gender o wala mismo na atletang nakapagkuwalipika.
Kaya sa kaso ng Pilipinas, ang long jump queen na si Torres-Sunang, na nagpartisipa sa 2008 at 2012 Olympics, ay nabigyan ng libreng daan para sa ikatlong pagsabak sa Olimpiada kahit na hindi pa nito naabot ang qualifying standard na 6.70 meters.
Una nang nakatuntong si Eric Cray, na naabot ang qualifying standard sa 400 meter hurdles Mayo ng nakaraang taon, upang tanging lalaking atleta na lahok ng Pilipinas sa athletics.
Para masiguro ang partisipasyon ng Pilipinong babaeng atleta, isinagawa ng Patafa ang kahilingan para tanggapin ng IAAF si Torres-Sunang sa ilalim ng nasabing prinsipyo kung hindi nito maaabot ang Hulyo 11, 2016 na deadline para makapasa sa Olympic qualifying standard.
Ihahayag ang partisipasyon nina Cray at Torres-Sunang sa Olympics sa isang opisyal na pahayag na gagawin ng IAAF sa Hulyo 12.
Halos maabot na ni Torres-Sunang ang qualifying kahit na hindi ito naisama sa Universality Principle base sa kanyang nakaraang mga kampanya. Ang 35-anyos na si Torres-Sunang ay tumalon ng 6.60 metro sa ginanap kamakailan na Ayala 2016 Philippine National Open sa Philsports track oval noong Abril 7 at sinundan nito ng talon na 6.41 metro sa nakaraang linggo na Singapore Open na sanctioned ng IAAF.
May tatlong pagkakataon pa rin naman si Torres-Sunang na makapagkuwalipika para sa kanyang sarili sa pagsabak sa Asian Masters competition sa Singapore Open, ang Taipei Open sa Mayo 19 hanggang 20 at Hong Kong Intercity Athletics Challenge sa unang Linggo ng Hunyo.
Idinagdag ni Juico na maganda rin ang paghahanda at ginagawang pagsasanay para sa 20-anyos na si EJ Obiena na makasama sa delegasyon ng Pilipinas sa Rio Olympics.
Ipinamamalas ng University of Santo Tomas sophomore ang patuloy na pagpapaangat sa kanyang personal best sa tulong ng IAAF training program sa pole vault center sa Formia, Italy. Si Obiena ay nagkuwalipika sa programa matapos maabot ang qualifying mark noong 2014.
Nanatili ito sa Italy simula Abril hanggang Hunyo 2014. Ang pagsasanay nito sa training center ay nakatulong kay Obiena para ma-improve ang marka mula 5.0 metro tungo sa 5.25 metro na nagbigay dito ng pilak sa ginanap na 2015 Southeast Asian Games (SEA Games) sa Singapore.
Nagawa rin burahin ni Obiena sa 2016 Philippine National Open ang Philippine record matapos lampasan ang taas na 5.47 metro.
Ang pinakahuling talon ni Obiena ay nagtala sa pinakabagong Southeast Asian, Philippine at Singapore Open meet record sa nilampasan na 5.55 metro sa 2016 Singapore Open.
Tulad din ni Torres-Sunang, may tatlong pagkakataon din si Obiena na maabot ang 5.7 meter Olympics qualifying mark kung saan kalahating paa o anim na inches na lamang itong kapos sa standard.
Umaasa si Obiena na makakamit nito ang standard sa alinman sa Busan (Korea) Pole Vault Competitions sa Mayo 13-14; sa 2016 Taipei Open sa Mayo 19-20 at sa Hong Kong Intercity Athletics Challenge sa unang linggo ng Hunyo.
Sakaling makatuntong si Obiena sa Olympics, ito ang kauna-unahang pagkakataon sa nakalipas na dekada na ang athletics ay magkakaroon ng tatlong lahok sa centerpiece event ng world’s biggest sports festival.
Si Torre-Sunang ay sasabak sa ikatlong sunod na pagkakataon sa Summer Olympics na makakapantay ang nagawa nina Simeon Toribio at Hector Begeo.
Kabuuang 14 na atleta lamang ang nakagawa sa Philippine national athletics team sapul na nagsimula ang Pilipinas na lumahok sa modern Olympics noong 1924.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.