HULI man ng isang araw ay taus-pusong nagpupugay ang Bandera sa mga katropa nitong mga manggagawa na sakabila ng maliit na sweldo ay kayod-ka-labaw pa rin ang ginagawa para lang maitawid ang pamilya sa paraang marangal.
At dahil nalalapit na ang halalan, isa sa pinakaaabangan ay kung ano kayang kinabukasan ang naghihintay sa mga manggagawa sa sinomang mahahalal na pangulo?
Gaya na rin ng nakalagay sa election reminder sa harapan ng pahayagang Bandera, ang kandidato mo ba ay may puso para sa mga manggagawa? Kasama ba sa kanyang plataporma o may programa ba siyang nakalaan sa mga obrero kung sakali man siya ay mahalal?
Ang isyu tungkol sa mga manggagawa ay isa sa pinaka-mabigat na usapin tuwing sasapit ang eleksiyon, pero sa sandaling nakaupo na palagi na lang itong nakakalimutan o isinasantabi.
Matagal nang nakabinbin sa Kongreso ang panukalang tanggalin ang contractualization – isang uri ng pagsasamantala ng mga negosyante sa mga manggagawa dahil hindi nito binibigyan ng pagkakataon na maging regular employee.
Dangan kasi ang regular employee, ayon sa batas, may mga matatanggap na benepisyo gaya ng sick at vacation leave, SSS, PhilHealth, Pag-IBIG, 13th month pay at kung ano-ano pang uri ng bonus. Samantalang ang manggagawang pumapaloob sa “endo (end of contract) system” ay maituturing na arawang manggagawa na walang benepisyo at kung minsan pa ang sweldo ay mababa sa itinakdang minimum wage. Ang “endo” worker ay otomatikong tanggal sa trabaho pagkatapos ng limang buwang kontrata.
Pero ilang Kongreso na ang nakaraan, ilang eleksiyon na ang nakalipas at kung sino-sino na rin ang naihalal mgunit hindi pa rin ito natutugunan.
At heto na naman tayong muli, ilang araw na lang at eleksiyon na. Muli ay naipangako sa mga manggagawa na tutugunan na ang walang kamatayang usapin tungkol sa contractualization o “endo.”
Lahat ng mga presidentiable ay nangakong tatapusin ang contractualization o “endo” sa sandaling sila ay mahalal. Ready silang lahat na banggain ang mga malalaking kapitalista o negosyante maisulong lang ang kapakanan ng mga maliliit nating manggagawa.
Harinawa!
Tandaan natin ang mga taong ito na walang kagital-gital na nangako na tatapusin ang contractualization sa sandaling sila ay maihalal.
At kung sino man sa kanila ang papalarin, panghawakan natin ang kanilang pangako. Bantayan ang kanilang mga susunod na hakbang kung tutupad ba sila sa kanilang pangako o matutulad lang sa iba na tamang-limot kapag nakapwesto na.
Anim na taon ang bibilangin, anim na taon maninilbihan, magmamatyag ang mga manggagawa. Anumang kasinungaling gagawin nang maihahalal na pangulo ay tiyak na sasalubungin ng walang tigil na protesta at pagkondena sa pangakong mu-ling napako.
Tiyak na magiging sentro ng batikos ang mauupong pangulo kung ang bibigyan nitong proteksyon ay ang mga kapitalista sa halip ang uring manggagawa na kanyang pinaniwala na siyang mag-aahon sa kanila sa pagsasamantalang ito.
Maaaring masabi na madaling magpatawad ang mga manggagawa pero hindi sila madaling makalimot lalo na sa napakahalagang pangakong binitiwan sa kanila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.