APAT katao ang sugatan nang pasabugan ng bomba ng mga di pa kilalang salarin ang convoy ni La Union 2nd district Rep. Eufranio Eriguel sa bayan ng Agoo, Sabado ng umaga, ayon sa pulisya. Naganap ang pagsabog dakong alas-9:30, habang dumadaan ang convoy ni Eriguel sa Verceles st., Brgy. Sta. Barbara, sabi ni Supt. Marlon Paiste, tagapagsalita ng Ilocos regional police. Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na isang IED, o improvised explosive device, na tinanim sa motorsiklo ang sumabog habang dumadaan ang convoy, aniya. Tinamaan ng pagsabog ang “back-up vehicle,” kaya di nasaktan si Eriguel at ang kanyang mga kasama sa isa pang sasakyan, ani Paiste. “Congressman Eriguel and party were evacuated safely,” aniya. Nagpadala na ng tauhan ang Scene of the Crime Operatives, Explosives and Ordnance Disposal Team, at Criminal Investigation and Detection Team sa pinangyarihan. Inaalam pa ang pagkakakilanlan at motibo ng mga nasa likod ng pambobomba, ani Paiste.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.