KUNG totoo na si Davao City Mayor at presidential contest frontrunner Rodrigo “Digong” Duterte ay may malaking pera sa bangko, aba’y bobo siya!
Parang hindi abogado at dating batikang government prosecutor si Digong.
Kung talagang may malaking pera siya sa bangko o mga bangko, bakit niya ipapangalan sa kanya, samantalang puwede naman niyang ipangalan sa kung kani-kanino upang hindi mahalatang sa kanya.
Pero wala namang milyon-milyong piso si Duterte sa bangko.
Dahil siguro sa liit ng halaga ay nakalimutan niya kaya’t nasabi niyang wala siyang account sa Bank of the Philippine Islands noong tinanong siya ng media. Maaaring matagal nang account yun.
Ang sabi niya ay P17,000 o hindi lalampas ng P50,000.
Ang Davao City ay isang maliit na lugar.
Dahil sa kaliitan nito, alam ng isa’t-isa na mga residente ng Davao City kung may kalokohang ginagawa ang mga prominenteng tao.
Madaling malaman kung ang isang government official, lalo na ang mayor, ay corrupt.
Pero walang record of corruption si Digong sa Davao City .
Sinasabi ni Sen. Antonio Trillanes IV na P2.3 billion ang labas-masok na pera ni Digong sa mga bangko.
Saan naman niya kinuha ang malaking halaga?
Kung nakuha niya ito sa mga government projects o transactions, walang malaking project o transaction ang nangyari sa Davao City .
Ang kalakaran kasi ay 10 percent ang hinihingi ng government official sa kada project. Ibig sabihin ay P23 billion ang halaga ng mga proyekto na inaprubahan ni Digong bilang mayor sa Davao City.
Ten percent of P23 billion is P2.3 billion.
Pero, inuulit ko, walang ganoong kalaking government projects ang naganap sa Davao City .
Sa aking pagkakaalam, handang pirmahan ni Duterte ang waiver na usisain ni Trillanes ang mga bangko na binanggit niya.
Pero kailangan din na pirmahan ni Trillanes ang affidavit na pinaninindigan niya ang kanyang paratang.
Sa gayon, puwede siyang balikan ni Duterte.
Pero ayaw daw pumirma ni Trillanes ng affidavit.
Lahat ng dumi ay iniimbento na ngayon ng mga karibal ni Duterte sa pagka-Pangulo.
Malaki na ang lamang ni Duterte sa kanyang mga karibal sa mga popularity surveys, kaya’t gumagawa sila ng lahat ng paraan upang bumaligtad ang kanyang mga botante.
Pero nakapagdesisyon na ang mga botante: Alam nila na ang mga akusasyon na lumalabas laban kay Duterte ay gawa-gawa lamang.
Mahirap nang matanggal sa No. 1 na puwesto si Duterte sa presidential race.
Everything is over but the counting.
Siya na ang magiging Pangulo.
Dapat ay huwag nang pansinin ni Duterte ang mga paratang sa kanya dahil hindi na pinaniniwalaan ng taumbayan ang mga yun.
Ang kailangan niyang gawin ay ipaliwanag niya sa bayan kung anong kanyang mga gagawin upang masugpo ang kriminalidad at droga.
Kailangan na rin siyang maghanap ng mga miyembro ng kanyang Cabinet.
Ngayon pa man kailangan niyang paghandaan ang mga gagawin niya in his first 100 days in office as President of the Republic.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.