Wish ni Angeline: Sana magkaanak ako bago pa mawala si Mama Bob!
SOLO naming nakakuwentuhan si Angeline Quinto sa presscon ng “Divas: Live In Manila” nitong Miyerkules ng tanghali sa Felicidad Mansion kasama sina Yeng Constantino, Kyla, KZ Tandingan at Rachelle Ann Go produced ng Cornerstone Concerts.
Inamin ni Angeline na kinukulit na siya ng kanyang mama Bob na bigyan na siya ng apo. Tuwing umaga raw ay sinasabihan siya nito ng, “Gusto ko nang magkaroon ng mga bata dito sa bahay.” “Lagi kong dinadasal ate Reggee, sana mangyari ang sinasabi ni mama Bob bago siya mawala kasi matanda na rin naman siya. Pero, ayokong magkaanak ng hindi kasal, ayokong pangunahan, ‘no?
“Nalulungkot nga ako, kasi hindi na nakita ng tatay ko ang pinaghirapan ko lahat, hindi na niya nakita kung ano ako ngayon kasi nga wala na siya. Kaya ‘yung hinihiling ni mama Bob, paano? Wala naman akong asawa pa,” balik-tanong sa amin ni Angeline.
Twenty six years old na si Angeline at gusto pa raw niyang makapag-ipon nang todo habang may mga dumarating pang offers at gusto rin niyang magkaroon ng award, “Gusto ko talagang maging best actress,” seryosong sabi ng dalaga.Dagdag pa nito, “Gusto kong i-remake ‘yung ‘Anak’, yung kina Ms. Vilma Santos at Claudine Barretto, ako ang gaganap na Claudine.”
Komedyana lagi ang papel ni Angeline sa mga pelikulang nagawa niya tulad ng “Born To Love You”, “Four Sisters and A Wedding”, “Bakit Hindi ka Crush ng Crush Mo” at “Beauty In A Bottle” kaya paano siya magkaka-award?“E, kasi nga po wala namang ibinibigay sa akin na drama, kaya nga challenge ‘yun na sana bigyan ako ng drama at kaya ko ‘yun,” katwiran ni Angeline.
May ginagawang pelikula ngayon ang singer-actress (o ha, nadagdag na ang actress), ang “That Thing Called Tanga Na” sa direksyon ni Joel Lamangan under Regal Entertainment. Comedy ang tema nito kaya imposible pa ring maging best actress siya rito.
Samantala, sa concert na “Divas: Live In Manila” ay makakasama ni Angeline sina Kyla (Queen of R & B), Yeng Constantino (Pop-Rock Princess), KZ Tandingan (Soul Supreme) at Rachelle Ann Go (West End Diva) at tig-iisa lang daw ang spot number nilang lima kaya sa kabuuan ng show ay magkakasama sila.
Hirit na tanong namin kay Angeline, sino ang pinakamagaling sa kanilang lima, “Iba-iba po, kasi si ate Yeng, pop-rock princess siya, nakakasulat siya ng kanta, tapos si KZ ganu’n din, nakakapagsulat din ng kanta saka iba rin ‘yung style niya, si ate Kyla, R&B, though kaya ko rin naman ‘yung kulot-kulot minsan at si ate Rachelle broadway singer naman, hindi ko kaya ‘yun,” pagkumpara ng dalaga sa kapwa niya divas.
Sabi namin, kaya rin niyang kumanta ng pop-rock, soul at ang R&B maliban sa broadway dahil wala siyang proper training at hindi rin naman niya ito hilig, “Oo nga po, wala akong background sa broadway songs siguro po, kaya naman gawin ‘yung sa iba (divas),” napangiting sabi ng dalaga.
Kaya ang sabi namin, siya ang pinakamagaling lalo na sa biritan dahil hindi naman kaya nu’ng apat ang sobrang tataas na kanta, “Naku, hindi naman ate Reggee, ikaw talaga,” hirit niya sa amin.
Pero kapag may production number sa ASAP20 ay kay Angeline ipinapasa ang matataas na tono. Kaya bossing Ervin, sino ang mas magaling sa kanilang lima? Dedma muna sa titulo nila ha, kasi tiyak lamang na riyan si Rachelle Ann. (In fairness, lahat sila magagaling, iba-iba lang ang kanilang style! – Ed)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.