2 ex-mayor kinasuhan sa fertilizer fund scam
Dalawang dating mayor sa Mindanao ang kinasuhan sa Sandiganbayan kaugnay ng fertilizer fund scam.
Kasong graft ang magkahiwalay na isinampa laban kina Percianita Racho, dating mayor ng Buenavista, Agusan del Norte, at Zenaida Azcuna, dating alkalde ng Lopez Jaena, Misamis Occidental.
Isang kaso ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang isinampa kay Racho kaugnay ng pagbili ng 2,000 bote ng liquid fertilizer sa Feshan Philippines Inc. noong 2004. Hindi umano dumaan sa public bidding ang pagbili na nagkakahalaga ng P2.75 milyon.
Kasama niyang nakasuhan ang representative ng Feshan na si Lucio Lapidez na nakipagsabwatan umano sa mayora sa pagbili ng mga fertilizer sa halagang P1,500 bote. Ang halaga umano nito sa ibang supplier ay P125 kada bote.
Dalawang kaso naman ng graft ang isinampa kay Azcuna kasama sina municipal engineer Marietes Bonalos, municipal budget officer Aurora Alon, social welfare and development officer Marcial Lamoste, planning and development coordinator Homer Lariba, supply officer Alicia Penales at Alberto Aquino, ng Malayan Pacific Trading Corp.
Bumili umano ang mga akusado ng 667 litro ng Macro-Micro Foliar Fertilizer sa MPTC.
Hindi umano ito dumaan sa public bidding at pinili ang macro-micro foliar fertilizer kahit na maaari naman ang ibang fertilizer ang gamitin.
Naideliver din umano ang fertilizer dalawang araw bago pa nabuo ang municipal Bids and Awards Committee. Ang fertilizer ay binili umano sa halagang P1,500 kada bote pero ang presyo nito ay P125 lamang.
Inirekomenda ng prosekusyon ang P30,000 piyansa para sa bawat kaso ng graft, para sa pansamantalang kalayaan ng mga akusado.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.