Para sa bayan o para sa boto? | Bandera

Para sa bayan o para sa boto?

Frederick Nasiad - April 10, 2016 - 01:00 AM

NGAYONG umaga na ang ikatlong sagupaan nina Manny Pacquiao at Timothy Bradley Jr. sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada, USA.

Ngayong umaga na pero ilan sa inyo, nasisiguro ko, ay walang malay na may laban pala ang ating tinaguriang “Pambansang Kamao.”

Hindi ko naman kayo masisisi kung hindi gaano kataas ang interes ninyo para sa Pacquiao-Bradley III. Maraming dahilan kung bakit hindi na katulad ng dati ang antisipasyon ng mga Pinoy sa laban ni Pacman.

Una na riyan ay dahil mag-iisang taon na nang huling lumaban si Pacquiao. At iyon ay kontra Floyd Mayweather Jr. na todo-todo ang “hype” sa traditional media at social media.

Isa rin sa dahilan kung bakit tinabangan ang ilang boxing fans ay dahil na rin sa “hype” na iyon.

Napakataas ng ekspektasyon ng mga boxing fans sa Pacquiao-Mayweather ngunit nadismaya ang karamihan sa ipinakita ng dalawang boksingero na pinakamahusay at pinakasikat sa henerasyong ito.

Si Mayweather kasi, walang ginawa kundi tumakbo nang tumakbo para makaiwas sa mga suntok ni Pacquiao. At itong si Pacquiao pala ay lumaban na hindi 100 percent healthy dahil may iniindang injury sa balikat.

Harang. Lugi. Daya. Sole-bayad.

Iyan tuloy ang sigaw ng mga regular boxing fans.

Iba siyempre kung Pacquiao fanatic ka. Solb ka na pag nakita mo si idol na binibigay niya ang kanyang 110% sa laban.

Marami pa rin ang manonood sa Pacquiao-Bradley III kahit na feeling ng karamihan ay llamadong-llamado si Pacman.

Si Bradley lang naman kasi ang kalaban e. Yakang-yaka yan ni idol!

Pero teka. Hindi ba 37 anyos na si Pacquiao at huling laban na niya ito? Hindi ba galing sa talo si Pacman at si Bradley ay galing sa TKO win kay Brandon Rios noong Nobyembre?

Kalimutan na ang lahat nang iyan. Kalimutan na rin na nanalo “kuno” si Bradley sa una nilang laban noong 2012 at nakaresbak ng panalo si Pacquiao sa kanilang rematch noong 2014.

Ang mahalaga ngayon ay kailangang manalo ni Pacquiao hindi lamang dahil ito ang kanyang “kunong” huling laban. Para raw sa bayan ito, sabi niya. Lahat naman ng mga laban niya ay sinasabi niyang “Para sa Bayan,” di ba?

Pero kakaiba ang sitwasyon ngayon ni Pacquiao. Tumatakbo siya para sa Senado sa halalan sa susunod na buwan. Kaya naman pumuputok ang butse ng kanyang mga kalaban sa politika dahil anila, may bentahe na sa “advertising” ang dating pobreng boksingero ng GenSan.

Ngayon na ang boksing at hindi na mapipigil pa ito ng mga kalaban sa politika.

Sabi naman ng mga kakampi ni Pacman, kapag nanalo si idol, “tapos na rin ang boksing.”

Sa tingin ko naman ay mananalo si Pacquiao kontra Bradley. May pakiramdam nga akong baka tatapusin ito ng maaga ni Pacman. Hindi lamang para sa bayan. Hindi lamang para sa boto. Kundi para rin kay Mayweather.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Teka, akala ko ba magreretiro ka na, idol?

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending