Bossing Vic sa US gustong gawin ang unang baby nila ni Pauleen
Kani-kanyang bakasyon na ngayon ang mga artista. Siguradong bababa na naman ang mga bituin sa langit at magkikita-kita sa isla ng Boracay na paborito nilang pagbabakasyunan kapag dumarating ang Mahal Na Araw.
Umalis na papuntang Amerika ang mga bagong kasal na sina Bossing Vic Sotto at Pauleen Luna. Kinomedya pa ng aktor-TV host ang pag-alis nila ni Poleng, hindi raw ‘yun basta bakasyon kundi trabaho pa rin, dahil sa Amerika nila bubuuin ang produkto ng kanilang pagmamahalan.
Pagkatapos ng Mahal Na Araw ay aasikasuhin naman ni Pauleen ang kanilang paglipat sa bagong bahay na ipinatayo ni Bossing Vic. Sa laki ng bahay ay marami pa raw kasing kulang na kagamitan.
Kuwento ni Lola Lita ni Poleng ay puro imported daw ang mga materyales na ginamit sa bahay, masyado palang metikuloso si Vic mula sa kahoy at bakal hanggang sa mga kagamitang ipapasok sa kanilang mansiyon, kaya talagang nagtagal ang kanilang paglipat.
Nakahinga na nang maluwag ang pamilya ni Pauleen, nu’n kasi ay kakambal ng relasyon ng aktres kay Bossing Vic ang pag-aalala, baka raw kasi mapabilang si Pauleen sa mga nakarelasyon ng aktor-TV host na hindi naman pinakasalan.
Kitang-kita ng pamilya ng aktres ang pagiging responsable at maalaga ni Vic Sotto, wala na silang mahihiling pa, lalo na’t napakaligaya ngayon ni Pauleen.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.