LUMABAS na totoo ang napaulat na tactical alliance sa pagitan nina Sen. Grace Poe at Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ito’y matapos naman ang ulat na makaraan ang pakikipagpulong ni Poe kay Ilocos Norte Gov. Imee Marcos ay nasundan ulit ito at sa mismong lugar ni Poe ginawa ang pag-uusap.
Hindi ba’t nang mangampanya si Poe sa Ilocos Norte ay talagang sinamahan pa siya ni Gov. Imee sa pag-iikot?
Marami tuloy ang nagtatanong kung ang pag-uusap nina Poe at Gov. Imee ay bilang paghahanda na rin sakaling manalo si Sen. Bongbong sa pagka-bise presidente at manalo naman si Poe sa pagka-pangulo.
Ito ba’y naglalayon na matiyak na magiging maayos ang ugnayan ng presidente at bise presidente kapag sila ang mahalal sa Mayo 9?
Hindi kasi imposibleng manalo si Bongbong laban kay Sen. Francis “Chiz” Escudero pagdating ng eleksiyon.
Base kasi sa survey ng Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS), statistically tied na sina Bongbong at Chiz at kung magtutuloy-tuloy ang magandang performance ni Bongbong sa isinasagawang kampanya, hindi na kataka-takang maungusan at lumamang na si Marcos kay Escudero.
Nakakagulat din ang mabilis na pagkalat ng mga sticker na “Grace-Bongbong” sa Metro Manila na parang kumukumpirma na kasado na nga ang nasabing “tactical alliance” nina Grace at Bongbong.
Lumalabas na malabo talaga ang ulat na sinusuportahan ni PNoy ang kandidatura ni Escudero.
Kung totoo ang sanib-puwersa nina Grace at Bongbong, lumalabas na hindi naniniwala si Poe na may suportang makinarya ang Palasyo kay Chiz.
Ito’y taliwas sa naunang napaulat na todo ang suporta umano ni Pangulong Aquino kay Escudero para ipangtapat kay Marcos dahil si Chiz lang umano ang maaaring tumalo kay Bongbong.
Nangangahulugan na mali ang pinapalutang na balita na si Chiz at hindi si Camarines Rep. Leni Robredo ang dinadalang palihim ni PNoy at si Robredo pa rin ang sinusuportahan ng pangulo.
Malaki ang problema ngayon ni Escudero dahil kung walang suporta siyang maaasahan kay PNoy, lalabas na wala rin siyang makukuhang suporta kay Grace.
Ang ganitong pangyayari sa nasabing “tactical alliance” nina Grace at Bongbong ay patunay lamang na hindi nagtitiwala si Poe kay Escudero.
Matatandaang inakusahan si Escudero ng pagiging “ahas” dahil sa lihim na pakikipagkita nito kay Vice President Jojo Binay. Bukod pa rito, kumalat din ang mga sticker na “Bi-Chiz.” Sinasabing inilaglag ni Chiz si Grace kapalit si Binay.
Kaya nga hindi nakapagtataka kung tunay ngang nagkaroon ng pagkikita sina Grace at Imee. Ang nabuong tactical alliance ay bilang suporta ni Grace sa kanyang sarili sa mga taong hindi dapat na pagkatiwalaan tulad ni Escudero.
Totoo talaga na may karma at hindi dapat maliitin ni Escudero si Poe na lahat ng kanyang sasabihin ay papaniwalaan ng senadora.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.