Patay ang isang dating mayor ng Pangutaran, Sulu, na tumatakbo para sa parehong puwesto ngayong halalan, matapos barilin ng di pa kilalang salarin sa Zamboanga City kamakalawa (Huwebes) ng hapon, ayon sa pulisya.
Nasawi si Ahmad Nanoh, na tumatakbo sa ilalim ng United Nationalist Alliance, sabi ni Chief Insp. Helen Galvez, tagapagsalita ng city police.
Naganap ang pamamaril dakong alas-4:45 sa Crispin Atilano junction, na nasa Candido st., Brgy. Tetuan.
Minamaneho ni Nanoh, na may bahay sa Brgy. Putik, ang kanyang Toyota Hi-Lux (JBW-295) nang lapitan at barilin ng isang lalaki, ani Galvez.
Nagtamo ang 55-anyos na kandidato ng sugat na dulot ng balang pumasok sa kanang bahagi ng dibdib at lumabas sa kaliwa.
Isinugod pa si Nanoh sa Zamboanga Doctors’ Hospital, pero idineklara siyang patay ng doktor, ani Galvez.
Inaalam pa ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan at motibo ng salarin na, ayon sa mga saksi’y, payat, maigsi ang buhok, at nakasuot ng itim na jacket at sunglasses.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.