Nagpalabas ng hold departure order ang Sandiganbayan Fourth Division laban sa sinibak na si Laguna Gov. ER Ejercito Estregan kaugnay ng kinakaharap nitong kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Nangangahulugan na hindi maaaring lumabas si Ejercito ng bansa kung walang pahintulot ng korte.
Si Ejercito ay sinampahan ng kaso kasama sina dating Pagsanjan vice mayor Crisostomo Vilar at mga dating konsehal na sina Arlyn Lazaro-Torres, Terryl Gamit-Talabong, Kalahi Rabago, Erwin Sacluti, Gener Dimaranan at Ronaldo Sablan at ang may-ari ng insurance company na si Marilyn Bruel ng First Rapids Care Ventures.
Noong 2008, pumasok sa kasunduan ang lokal na pamahalaan ng Pagsanjan at FRCV para sa insurance coverage ng mga bangkero at turista sa Pagsanjan Gorge Tourist Zone.
Hindi umano dumaan sa public bidding ang kontrata kaya nalugi ang gobyerno.
Si Ejercito noon ay mayor ng Pagsanjan.
Hindi rin umano lisensyado sa Insurance Commission ang FRCV na magbigay ng insurance policy.
Inirekomenda ng Ombudsman ang P30,000 piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng mga akusado.
Si Estregan ay nasibak matapos umanong lumagpas ang gastos niya noong 2013 elections sa pinapayagan ng batas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.