‘Mamay Belen’ ni Ate Guy ililibing na ngayong araw
NAKIPAGLAMAY kami nu’ng Lunes nang gabi sa pamilya Aunor dahil sa pagpanaw ni Mamay Belen.
Kilalang-kilala sa showbiz ang dakilang ina ni Maribel Aunor, napakalaki ng partisipasyon ni Mamay Belen sa pagiging Superstar ni Nora Aunor, anak ng kanyang kapatid na si Mamay Tunying.
Kumpleto ang magkakapatid na naulila, kararating lang mula sa Germany ng kanilang panganay na si Ate Norma, nandu’n din sina Romy, Bobot, Boyet, Ramon (na umuwi naman mula sa Qatar) at si Lala siyempre at ang kanyang mga anak na sina Marion at Ashley.
Hindi makukumpleto ang kasaysayan ng pagiging artista at singer ni Nora Aunor nang hindi mababanggit ang pangalan ni Mamay Belen. Siya ang matiyagang gumigitara kay Nora nu’ng nag-eensayo pa lang ito sa pagkanta.
Si Mamay Belen din ang naging talent scout ni Nora nang sumali ito sa Tawag Ng Tanghalan at nagkampeon. Matagal na nanirahan sa Nichols si Nora, sa bahay ng mga Aunor, at ang napakalinaw na kahalagahan ni Mamay Belen sa karera ng Superstar ay ang paggamit ng aktres sa apelyido ng pamilya.
Nang sumikat si Nora ay naging kumplikado na ang sitwasyon, marami nang umeksena, hanggang sa naisantabi na lang ang napakalaking tulong na nagawa ni Mamay Belen sa career nito.
Ngayong umaga ihahatid sa kanyang huling hantungan si Mamay Belen na ginugol ang mga natitirang taon ng kanyang buhay sa pagseserbisyo sa Panginoon.
Ang taos-puso naming pakikiramay sa kanyang mga iniwan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.