Masbate niyanig ng 11 pagsabog; 2 pulis sugatan
Dalawang pulis ang sugatan nang magpasabog ng 11 improvised na bomba ang mga hinihinalang kasapi ng New People’s Army (NPA) sa iba-ibang bahagi ng Masbate kahapon (Martes), ayon sa mga otoridad.
Nasugatan sina Senior Inspector Aldrin Rosales at SPO1 Amado Albiola sa pagsabog na naganap sa bayan ng Batuan, ayon sa Masbate provincial police.
Naganap ang unang pagsabog dakong alas-4:30 ng umaga sa Sitio Calpi, 2 kilometro mula sa isang Globe cell site sa Brgy. Miaga, bayan ng Uson.
Sinundan ito ng mga pagsabog sa Brgy. Crossing alas-6 ng umaga, sa Brgy. Panisihan alas-8:30, at sa Brgy. Buenasuerte alas-10:30. Ang tatlong barangay ay pawang mga bahagi din ng Uson.
Dakong alas-5, may naganap ding pagsabog sa Brgy. Tunga, Esperanza; na sinundan ng isa sa Sitio Anapog, Brgy. Poblacion, Claveria, alas-5:36; sa Loving Forest Memorial Garden na nasa gilid ng National Highway sa Brgy. Malinta, Masbate City, alas-7:10; at sa bahagi ng highway na nasa Purok 5, Brgy. Tabuc, Mobo, alas-7:15.
Nasugatan si Rosales at Albiola sa pagsabog sa Brgy. Burgos, Batuan, at napinsala ang sinakyan nilang Mahindra patrol jeep, ayon sa ulat.
Dakong alas-10:40, isa pang pagsabog ang naganap sa spillway ng Brgy. Ilaya, Balud; at sinundan ng isa pa sa hangganan ng Brgy. Dorong-an, San Jacinto, at `Brgy. Daplian, San Fernando.
Nagpadala ng tauhan ng Explosives and Ordnance Disposal team sa iba-ibang blast site, habang ang ibang police units ay inatasang suyurin ang National Highway para sa posibleng itinanim pang ibang bomba, sabi ni Chief Insp. Arthur Gomez, public affairs officer ng special operations task group ng Bicol regional police.
Sinabi naman ni Colonel Fernando Trinidad, commander ng Army 903rd Brigade, na ang mga pagsabog ay pinaniniwalaang pakana ng mga miyembro ng NPA.
“These explosions are propaganda tactics to sow fear to the people,” aniya.
Ayon kay Lt. Gen. Ricardo Visaya, hepe ng Armed Forces Southern Luzon Command, ang mga pagsabog ay maaaring konektado sa anibersaryo ng NPA sa March 29.
“They (rebels) resort to terror acts like these IED explosions to project that they are still strong,” aniya.
Ayon pa kay Visaya, “lumiliit” na ang bilang ng NPA sa Masbate at mayroon na lang 36 kasapi sa lalawigan
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.