Ikaapat na diretsong panalo asinta ng San Miguel Beermen
Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Meralco vs NLEX
7 p.m. Rain or Shine vs San Miguel Beer
MASUNGKIT ang ikaapat na sunod na panalo at makisalong muli sa ikalawang puwesto ang pakay ng San Miguel Beermen sa pagsagupa sa Rain or Shine Elasto Painters sa kanilang 2016 Oppo PBA Commissioner’s Cup elimination round game ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Bago ang paghaharap ng Beermen at Elasto Painters ay magsasagupa muna ang nangungunang Meralco Bolts at NLEX Road Warriors sa unang laro sa ganap na alas-4:15 ng hapon.
Ang San Miguel Beer ay manggagaling sa pagkubra ng ikatlong diretsong panalo na itinala nito kontra Meralco, 94-86, sa kanilang out-of-town game sa Legazpi City, Albay noong nakaraang Sabado.
Ang panalo ng Beermen ay pumutol din sa five-game winning streak ng Bolts ngayong kumperensiya.
Sasandalan pa rin ni San Miguel Beer head coach Leo Austria sina Tyler Wilkerson, Marcio Lassiter, June Mar Fajardo, Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Ross, Ronald Tubid at Gabby Espinas para ihatid ang koponan sa ikaapat na sunod na panalo.
Winakasan naman ng Rain or Shine ang tatlong sunod na pagkatalo matapos tibagin ang NLEX, 121-94, noong nakaraang Biyernes.
Sasandigan ni Elasto Painters mentor Joseller “Yeng” Guiao sina Jericho Cruz, JR Quiñahan, Maverick Ahanmisi, Jeffrei Chan, Gabe Norwood, Chris Tiu at Beau Belga na makakatuwang ang ikatlong import nilang si Mo Charlo para magtuluy-tuloy ang pagbangon ng koponan.
Pipilitin naman ng Bolts na makabangon buhat sa kabiguang pinalasap ng Beermen sa pagsagupa sa Road Warriors.
Sasandal pa rin si Meralco coach Norman Black kay Arinze Onuaku na makakatulong sina Chris Newsome, Jared Dillinger, Cliff Hodge, Baser Amer, Gary David, Jimmy Alapag, Bryan Faundo at Anjo Caram para makabalik ang Bolts sa pagpapanalo.
Magpipilit naman ang NLEX na wakasan ang dalawang sunod na pagkatalo na sinapit sa kamay ng Mahindra Enforcers (106-99) at Rain or Shine (121-94).
Aasahan ni Road Warriors coach Boyet Fernandez sina Al Thornton, Sean Anthony, Jonas Villanueva, Asi Taulava, Kevin Louie Alas at Garvo Lanete para makaiwas ang koponan na makatikim ng ikatlong sunod na pagkatalo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.