NAKUMPISKA ang 60 kilo ng marijuana na nagkakahalaga ng P6 na milyon matapos ang isinagawang buy-bust operation sa Barangay San Agustin sa San Fernando City, Pampanga, kahapon, ayon sa mga otoridad.
Naaresto ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tatlong lalaki na sina Menelao Flores, 40; Israel Flores, 32; a Carlu Quiambao, 37.
Sinabi ni Gladys Rosales, PDEA director sa Central Luzon, na pawang mga residente ng Baliuag, Bulacan ang mga suspek.
Idinagdag ng mga ahente ng PDEA na dala-dala ng mga suspek ang 33 bricks ng marijuana at isang bigkis ng tangkay ng marijuana. Ito na ang pinakamalaking halaga ng marijuana na nakumpiska sa Pampanga.
Nakakulong ngayon ang mga suspek sa regional police headquarters ng Camp Olivas at kinasuhan ng paglabag sa section 5 (selling of dangerous drugs) at section 11 (possession of dangerous drugs) ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2012.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.