Sisterakas kumita na ng mahigit P73-M
Ate Vi, P-Noy nadamay sa mga kontrobersiya sa MMFF
BAWI na ng Star Cinema at nina Ai Ai delas Alas, Vice Ganda at Kris Aquino ang puhunan nila sa pelikulang “Sisterakas” dahil sa pangalawang araw ng Metro Manila Film Festival 2012 ay umabot na sa mahigit P73 million ang kinita nito.
Kaya naman abut-abot ang pasasalamat ng magkakaibigan sa lahat ng nanood ng entry nila sa filmfest at sa totoo lang bossing Ervin, bumili kami ng tickets sa Gateway Cineplex ng alas-dose ng tanghali, pero pang-930 p.m. na ang nakuha namin.
Ang dating isang sinehan ay naging dalawa na at hindi na namin isusulat kung anong pelikula ‘yung nawala.
Samantala, tiyak na tuloy na ang part two ng “Sisterakas” dahil kumita nga ang part 1 na ayon kay Kris ng makatsikahan namin kamakailan ay baka hanggang part 10 pa ang abutin nito.
Samantala, kahapon nang alas-otso ng umaga ay nagising kami sa text messages mula sa Noranians na nagsasabing lumalakas na raw ang “Thy Womb”.Heto ang kanilang mensahe sa amin (mula sa numerong 639394854527), “Gud morning, nanood na ba kayo ng Thy Womb?
Kaming Noranians worldwide ay araw-araw nanonood at katunayan kagabi (Dec. 26) sa last screening ng Thy Womb sa Trinoma cinema 6, SM North Edsa, Gateway ay punumpuno ng tao at umaapaw ang sinehan.
Dapat bago kayo magsulat na hindi kumita ang Thy Womb, mag-ikot kayo sa sinehan.”
“Ito ang totoo, One More Try na pull-out na sa Trinoma at ang Sosy Problems ay first day, last day sa mga sinehan at ganu’n din ang The Strangers, yan ang tunay na kulelat.
Ang Thy Womb, lumalaban sa lakas ng Agimat, Enteng Kabisote at Sisterakas,” ayon pa sa text.
Siyempre, hindi naman kami naniniwalang na-pull-out ang mga pelikulang nabanggit dahil sa katunayan ay marami kaming kaibigang nanood ng “One More Try” sa Trinoma at iisa nga ang kuwento nila, maganda at magaling si Angel Locsin at mukhang sila nga ni ate Guy ang maglalaban sa pagka-best actress.
Ipinadala namin sa nag-text ang gross result ng MMFF entries na galing mismo sa MMDA, umabot lang sa P908,859.40 ang kinita ng “Thy Womb” sa buong Metro Manila.
Hindi rin daw totoo ang balitang binili lang ng “Sisterakas” at “Si Agimat…” ang mga tickets sa sinehan kaya sila ang nangunguna sa box-office. Paano naman sila kikita kung ganu’n ang gagawin nila, di ba?
Kung anu-anong pangit na salita na ang naglalabasan ngayong nangunguna sa takilya ang “Sisterakas”, may tsismis pa nga na inutusan daw lahat ni Presidente Noynoy Aquino ang lahat ng Metro Manila mayors na panoorin ang pelikula ng kapatid niya.
Hindi naman siguro ganu’n kaatat ang pangulo na maging box-office hit ang pelikula ng kapatid niya, di ba?
Pero kung ganito man ang nangyari, legal pa rin itong matatawag dahil binili ang mga tickets at hindi naman inilibre lang.
Pati ang pangalan ni Batangas Gov. Vilma Santos-Recto ay nadadamay na rin, may nagsasabi na mas pinaboran daw ni ate Vi ang movie nina Kris, Ai Ai at Vice Ganda kesa sa entry ng kumare niyang si ate Guy.
Bagama’t hindi pa namin napapanood ang “Thy Womb”, naniniwala kaming maganda ito, pero ang inaasam-asam ng Noranians na magiging number one ito sa box-office ay malabong mangyari dahil milyones na ang lamang ng “Sisterakas” at sana tanggapin nila ang katotohanang ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.