‘Ilustrado’ ni Alden lalaban sa 2016 New York Festivals
Pinangunahan ng GMA Network ang mga finalist mula sa Pilipinas sa prestihiyosong 2016 New York Festivals’ “World’s Best TV and Films” Competition matapos mapabilang ang siyam na entries ng Kapuso Network sa shortlist ngayong taon.
Ang longest running documentary program na I-Witness ay finalist sa kategoryang Community Portraits para sa episode nitong “Dorm 12” kung saan tampok ang panayam ni Kara David sa mga nakatatandang preso sa Correctional Institute for Women.
Ang investigative news magazine show naman na Reporter’s Notebook ay shortlisted sa Social Issues category para sa “Hikahos sa Lungsod” episode kung saan tinalakay nito ang urban migration sa Pilipinas.
Shortlisted din ang “Maestra Salbabida” ng Front Row para sa kategoryang Community Service Programs. Sumentro ang episode na ito sa di-matatawarang dedikasyon ni Elizabeth Miranda, isang guro mula sa Mindoro Occidental na tumatawid ng ilog gamit ang salbabida makarating lang sa baryo ng kanyang tinuturuan.
Samantala, kinilala din bilang finalist sa Mini Series category sa New York Festivals ang kauna-unahang bayaniserye sa Philippine primetime TV na Ilustrado. Bida sa nasabing serye ang Kapuso actor na si Alden Richards na gumanap bilang ang pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.
Tumanggap din ng finalist status ang ilan sa mga programa ng GMA News TV. Ang episode na “Yaman ng Palawan” ng programang Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie ay nominado para sa Best Interview Awards.
Ang “Ginto ng Smokey Mountain” ng programang Brigada na tungkol sa mga batang naghahanap ng ginto sa tambak ng basura ay kabilang sa kategoryang Community Portraits. Samantala, ang “Isang Paa sa Hukay” ng Reel Time ay kasama sa finalists sa Human Concerns category.
Tinalakay nito ang small-scale mining sa Camarines Norte. Binibigyang-parangal ng New York Festival’s “World’s Best TV and Films” competition ang iba’t-ibang programang pantelebisyon at pelikula mula sa 50 na bansa.
Noong nakaraang taon, ay nakapag-uwi ang ang Kapuso Network ng walong awards (apat na World Medals at apat na Finalist Certificates).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.