TAONG 2005 nang magsimulang sumakay ng barko si Antonio ng Pangasinan. Mabuting anak si Antonio kung kaya’t todo ito sa pagtulong sa pamilya. Nakapagpatayo sila ng bahay at nakapagpa-aral pa sa kaniyang mga kapatid sa kolehiyo. Ibinibigay niya sa kaniyang nanay ang buong suweldo niya.
Noong 2012 nag-asawa si Antonio. Hindi pa rin nabago ang dating sistema. Sa nanay pa rin niya ipinadadala ang kaniyang suweldo. Itinira muna niya sa kanilang bahay ang asawang si Ditas.
Binibigyan na lamang siya ng pera ng nanay ni Antonio kapag may kailangan ito.
Nang magka-anak sila ni Antonio, nakiusap siyang bumukod na sila at mahirap ‘anyang nakikisama sa pamilya ng asawa. Gayong hindi naman siya nagreklamo noong una na hindi niya nahahawakan ang suweldo ng asawa at nasa nanay pa rin ito ni Antonio.
Ngunit nang makalipat na sila, si nanay pa rin ang nagbabayad ng kanilang upa ng bahay, mga bayarin sa tubig at kuryente at nag-aabot na lamang siya ng pamalengke nina Ditas.
Hindi na nakatiis si Ditas at nagreklamo na siya na dapat sa kaniya ipinadadala ang allotment ng asawa at hindi sa ina. Nagkagulo ang pamilya. Inaway siya ni Antonio pati ng nanay nito. Huwag ‘anya siyang papipiliin kung asawa o ina ang dapat niyang panigan.
Sa huli, sulsol na rin ng pamilya ni Antonio, iniwan nito ang asawa at muling bumalik sa kanilang bahay.
Mula noon wala nang suportang natanggap si Ditas maliban sa puro pangakong padadalhan ito. Pormal na siyang nagreklamo ng support case laban sa asawa.
Marami pa ring OFW at pamilya ng OFW ang nakakaranas ng ganitong sitwasyon.
Nasa pag-uusap naman yan, at kung hindi makuha sa usap, pwedeng isa-legal.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas-10:30 ng umaga hanggang alas 12 ng tanghali. Maaring tumawag sa 0998.991.BOCW at bumisita sa Website: bantayocwfoundation.org o sumulat sa [email protected]/ [email protected].
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.