Ni John Roson
ARESTADO ang dalawang Chinese national nang makuhaan ng aabot sa P40 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Pasay City Miyerkules ng gabi, ayon sa pulisya.
Nadakip sina Li Shao Xiong, 35, at Shi Qing Tian alyas “Angelo Santillan” dakong alas-9 sa paradahan ng isang fastfood outlet at home improvement shop sa panulukan ng Macapagal Ave. at Gil Puyat Ave., sabi ni Senior Supt. Eusebio Mejos, officer-in-charge ng Southern Police District (SPD).
Sila ay kapwa taga-Shi Shi City ng Fujian, China, at nasa Pilipinas bilang mga turista, aniya.
Nasamsam kina Li at Shi ang humigit-kumulang 8 kilo ng shabu na nakalagay sa mga “ziplock” packets na itinago sa isang paper bag ng alak at travelling bag, ani Mejos.
Nakumpiska din ng mga operatiba ng SPD Special Operations Unit (DSOU) at Anti-Illegal Drugs Task Group (DAIDSOTG) sa dalawang banyaga ang perang ginamit sa buy-bust operation, tatlong cellphone, driver’s license na nakapangalan sa isang Angelo Rosales Santillan, at isang orange na Honda Civic (WKS-777).
Nasa kostudiya pa ng mga arresting unit ang dalawang banyaga habang hinahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Law laban sa mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.