Pulis patay, opisyal sugatan sa aksidente
Isang pulis ang nasawi habang isa pa ang nasugatan sa magkahiwalay na aksidente sa Ilocos Norte kahapon.
Nasawi si PO1 Jaymar Macugay matapos sumalpok ang kanyang Toyota sedan (UHJ-566) sa isang puno sa bayan ng Banna, ayon sa ulat ng Ilocos Norte provincial police.
Naganap ang insidente dakong alas-2:30 ng umaga sa Sitio Cabulalaan, Brgy. Balioeg.
Isinugod pa ng mga rumespondeng kapwa miyembro ng Banna Police si Macugay sa Doňa Josefa Edralin Marcos District Hospital, ngunit idineklara siyang patay ng doktor.
Samantala, sugatan ang deputy police chief ng bayan ng Pasuquin matapos mabundol ng motorsiklo sa tapat lang ng kanilang istasyon dakong alas-8:30 ng umaga.
Tumatawid si Insp. Rodel Casallo sa National Highway para dumalo sa isang conference sa kanilang istasyon, nang mabundol ng motorsiklong minaneho ni Nannan Balbueno.
Nagtamo si Casallo ng mga pinsala sa kanang paa at katawan kaya dinala sa Pasuquin Rural Health Unit, kung saan din dinala si Balbueno dahil sa bahagyang pinsalang tinamo.
Dakong alas-5 naman ng hapon, isa pang aksidenteng kinasangkutan ng motorsiklo ang naganap sa Brgy. Sta Catalina, doon din Pasuquin, at ikinasawi ng isang Mario Pagaduan.
Sumalpok ang motorsiklo ni Pagaduan sa motor na sinakyan nina Darryl at Julius Natividad.
Naka-confine ngayon ang mga Natividad sa Gov. Roque Ablan Memorial Hospital ng Laoag City dahil sa mga pinsalang tinamo, ayon sa pulisya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.