Nakikipag-inuman pa rin po ako sa mga kabarangay ko! — Karla
IPINAKITA sa amin ni Queen Mother Karla Estrada ang bagong Toyota Super Grandia LXV van niya pagkatapos ng kanyang “hurado stint” sa Tawag ng Tanghalan portion ng It’s Showtime.
Ilang linggo pa lang daw niyang ginagamit ang bonggang van na mas malaki, mas mahaba at may apat na umiikot na lazy boy chairs. Naipagbili na ni Karla ang dating ginagamit niya na Mercedes Benz.
Mas kailangan na kasi niya ngayon ng malaking sasakyan since halos araw-araw ay taping na siya.
Nagsimula na kasi si Karla sa bago niyang sitcom sa ABS-CBN Digital Box’ Cine Mo channel, ang Funny Ka, Pare Ko.
“Hindi siya sa main channel pero sa ABS-CBN din. So, pino-promote ‘yung black box na ‘yun. So, imadyinin mo ‘yung libu-libong nai-stranded sa traffic? Dala-dala nila ‘yung black box? So, ang saya, mapapanood tayo. E, of course, kung ilalagay man sa main channel for me masaya ako kasi kami ‘yung first. Kumbaga, alma mater natin na bagong sitcom, pinakauna sa Cine Mo,” lahad ni Karla.
Ang Funny Ko, Pare Ko ang first sitcom sa Cine Mo. Kapareha ni Karla bilang mister ang komedyanteng si Bayani Agbayani at mga contestant dati sa Funny One ng Showtime.
“Talagang nakakatuwa ‘to dahil grabe ‘yung katatawanan. Bale asawa ako ni Bayani. Kaming dalawa ‘yung main stars. Ang alam ko last week of January ang airing. Pero ongoing na ang taping namin.
Pumasyal kayo doon para tatawa lang kayo. Nakakatawa, believe me,” ani Karla.
Boarders sa karinderya nina Karla at Bayani ang Funny One champion na si Ryan Rems.
“Kami ni Bayani ‘yung may-ari. ‘Yung mga kamag-anak niya pinatira niya sa bahay namin. Tapos siksikan sa isang kwarto. ‘Yung tipikal na ano, parang Cafeteria Aroma noong araw. Tapos meron tayong tricycle drivers, so masang-masa,” kuwento pa ng mama ni Daniel.
Bait-baitan daw ang role ni Karla sa bago niyang show, “Hindi ko naman sinasabing salbahe kami sa totoong buhay, ‘no. ‘Yung bait-baitan pero hindi katulad ko na ang hilig kong mang-alaska, ang hilig kong mambwisit. Dito talagang hirap na hirap ako. ‘Yung talagang, ‘Sige, ipagluluto kita, ha.’ Pero sa likod ng utak ko, ‘Lalagyan ko ng lason,’ ganyan. May ganoon.”
Aminado naman si Karla na nagsimula ang pagpansin sa talent niya ng ABS-CBN simula nu’ng namukadkad ang career ng kanyang anak.
“So, syempre nandiyan ako bilang nagbabantay sa kanya. People has been always curious about me, ‘di ba? Parang, ‘Yung Karla Estrada? Nasaan na ba ‘yun?’ Pero wala talagang paraan para makalabas ako.
At ngayon, syempre ‘yung Padilla pa na family name. So, ‘yung curiosity ng mga tao lumaki nang lumaki.”
Hanggang ngayon daw kahit saan siya magpunta kilala pa rin siya ng mga tao bilang ina ni Daniel Padilla.
“Still, kahit lumalabas ako sa ibang shows, ‘yun pa rin ang nasa isip ng mga tao. Tapos ngayon sasabihin nila, ‘Mother Queen ‘yan ‘di ba?’ Sabi ko, ‘Hindi Mother Queen kasi palaman ‘yun. Queen Mother. Ha-hahaha!”
Hindi naman apektado si Karla sa mga paninira sa kanya ng bashers sa social media dahil sa title na Queen Mother.
“Actually, ang Queen Mother lilinawin natin na ‘yan ay para lang sa bahay dahil ako naman talaga ay isang ina. Queen ako sa mga anak ko at wala namang makaka-contest doon. And of course, ‘yun kasi ang tinawag sa akin ni Kris (Aquino). So, I’ve been telling Kris, ‘Baka hindi ko ‘yan mapanindigan.’
“Sabi niya, ‘Mapapanindigan mo na ’to buong buhay mo simula nu’ng maging nanay ka. Dahil para naman ‘to sa mga anak mo dahil ikaw ang queen nila.’ So, hindi ko kinarir na ako ‘yung Queen Mother.
Hindi ko rin naman kaya ‘yun dahil hindi na ako pwedeng makipag-inuman sa barangay ‘di ba?”
Nakikipag-inuman pa rin daw siya sa mga bahay-bahay sa barangay nila. Ayaw daw niyang baguhin ang sarili niya dahil lang sa title na Queen.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.