Susan, Grace na-miss agad si Kuya Germs; inalala ang mga kabutihan
Saksi ang Reyna ng Pelikulang Pilipino na si Ms. Susan Roces sa pagiging matulungin sa kapwa talent ng namayapang si Master Showman German Moreno.
Ayon sa biyuda ni Da King Fernando Poe Jr., hindi inaalala ni Kuya Germs ang kaniyang talent fee na matatanggap dahil ang priority niya palagi ay matuloy ang kaniyang show at kung ano ang makakabuti sa lahat ng cast.
Kilalang-kilala ni Susan si Kuya Germs dahil marami silang pinagsamahang pelikula. “Sa kapwa talent niya, marunong siyang mag-share, hindi siya maramot. Hindi niya sinusukat kung magkano ang ibabayad sa kanya para sa kanyang serbisyo basta matuloy ang show.
Ang importante sa kanya ay magtanghal ng isang magandang programa,” dagdag ng movie queen.
Maging ang anak nina Da King at Susan na si Sen. Grace Poe ay nanghihinayang sa pagkawala ng hindi lang haligi ng industriya kung hindi ay malapit din na kaibigan ng kaniyang pamilya.
Lagi raw siyang kinakumusta ng komedyante tuwing sila ay nagkikita, “Si Kuya Germs talaga, iyan yung matulungin. Haligi iyan ng ating industriya kasi, binibigay niya ng pagkakataon yung mga bata.
Lagi siyang very optimistic, very positive. Wala siyang masamang sinasabi sa kanyang kapwa,” sabi ni Grace.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.