‘Hindi masamang sumubok uli’
Ni Bella Cariaso
MUNTIK-muntikan nang makapasok sa Senado si dating Akbayan Rep. Risa Hontiveros noong 2010 elections.
Isang hakbang na lang sana at pasok na siya sa magic 12, ngunit kinapos sa boto para abutan o lagpasan ang nasa ika-12 posisyon na dati ring kasamahan sa Kamara na si Teofisto Guingona III.
May ilan pang nagsasabi na nadaya rin si Hontiveros noong nakaraang halalan.
Nadaya?, natalo
“May mga nagsasabi pero wala naman akong patunay kaya hindi ko iniisip yun kaya kapag tinatanong ako, lagi kong sinasabi natalo ako.
“Wala naman akong karanasan, ebidensiya na dinaya ako o nadaya ako kaya I simply say natalo ako, bagong kandidato noon na hindi miyembro ng political party, walang maraming pera, I almost made it but still I lost,” pahayag ni Hontiveros nang kapanayamin ito ng Inquirer Bandera kamakailan.Hindi rin naman anya masama na sumubok muli lalo na kung nakita mo na marami na rin ang naniniwala sa nasimulan mo.
Pero kahit pa muntik na siyang makapasok sa magic 12 noong 2010, hindi rin ganoon kakampante si Hontiveros na makakapasok siya sa magic 12 sa darating na halalan.
Anya, hindi tiket ang pagiging miyembro ng koalisyon ng gobyerno para masiguro na maihahalal ng bayan.
Ikot dito, ikot doon
Kaya ngayon pa lang ay inamin ni Hontiveros na puspusan ang ginagawa nilang pag-iikot sa iba’t ibang panig ng bansa para muling magpakilala.
Anya, mahirap magpakilala lalo pa’t walang posisyong hawak ngayon “hindi rin naman ako na-appoint ni Pangulong Aquino”.
Bukod sa pagsisikap na magpakilala, ang nakikita niyang tiket ng sinumang tatakbo para manalo ay yung adhikain na isusulong ng mga ito.
Catholic vote, a myth
Ayon kay Hontiveros, hindi naman lihim kung gaano niya isinusulong ang kontrobersyal na Reproductive Health bill, na ayon sa kanya ay malaking kapakinabangan sa mga kabarong kababaihan.
Dahil sa kontrobersyang dulot ng RH bill, isa si Hontiveros sa nauna nang “pagbantaan” ng Simabahang Katolika na hindi makakatikim ng boto ng mga Katoliko.
Sa panayam sa Inquirer Bandera, matapang na sinabi ni Hontiveros na hindi siya natatakot sa bantang ito.
“Katoliko ako, I’m raising my four children as solo mom, as Catholic, hindi ako natatakot, tingin ko bilang isang advocate, bilang isang legislator ang dapat katakutan ng mga mambabatas ay yung opinion ng mamamayan at opinyon ng mga botante which consistently pinapakita na pro- RH,” paliwanag ni Hontiveros.
Naniniwala rin si Hontiveros na mayorya ng mga miyembro ng Katoliko ay para sa RH bill.
“(Catholic vote) that’s a myth, Iglesia ni Cristo pa, Catholic vote no, may freedom of conscience ang bawat isa,” dagdag pa ng dating mambabatas.
Women, children
Aniya, sakaling palarin siya sa Senado, isusulong pa rin niya ang mga panukalang batas na may kinalaman sa mga kababaihan at mga kabataan.
“Women talaga and youth including siyempre, malaking pinanggagalingan ng ganung focus ay yung RH bill, napatunayan natin na if we take care of women, we end up naalagaan din nating ang mga women,” ayon pa kay Hontiveros.
Bukod sa mga kababaihan, kasamang isusulong niya ang karapatan at kapakanan ng mga kabataan.
“Sa kabataan naman katulad ng students’ rights and welfare, empowerment, ang mga repormang ito ay suporta sa mga naumpishan na katulad ng K to 12, pag aayos ng mga budget ng mga SUCs,” aniya.
(Ed: May komento o reaksyon ba kayo sa artikulong ito? I-text ang inyong pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374)
Iba’t ibang hirit ni Risa
BUMISITA kamakailan sa Inquirer Bandera si dating Akbayan partylist Rep. Risa Hontiveros na ngayon ay tumatakbo muli bilang senador sa ilalim ng koalisyon ng Liberal Party.
Tinanong siya ng Bandera sa kanyang mga posisyon sa mga maiinit at napapanahong isyu at narito ang kanyang mga tugon:
Reproductive Health bill
Ang RH bill ang great passion ko sa buhay. Para sa akin, siya ang the bill of my heart bilang isang babae, mahal ko at pinaglalaban ko ng puspusan ang RH bill dahil babae ako at dahil tatlo sa mga anak ko ay mga babae rin.
Meron silang tamang impormasyon tungkol sa kalusugan nila, paano magbuo ng tamang relasyon.
Pagdating ng tamang panahon, meron din silang choice sa pamilya nila, sa kabila ng pagtututol ng church hierarchy, majority ng lay persons, anecdotally sa mga karanasan, sa mga surveys, majority are pro-RH.
Sin tax
Dapat talaga ipasa yan, may mataas na revenues para sa gobyerno, sa mga may ganung bisyo, para rin sa kalusugan nila.
Kung passion nila ang bisyong iyon, gawin pa rin nila but they have to pay more.
Can afford naman ang malalaking kumpanya ng alak at sigarilyo lalo na ang mga dayuhan.
And very importantly, hindi lang siya revenue generating bill pero health measure talaga siya.
Political dynasty
Sa Constitution, banned ang political dynasty, unfortunately hindi pa nagpapasa ng enabling law, hopefully sooner or later sumunod ang Kongreso sa ating Constitution.
I’m heartened to know na ngayon pa lamang, finally may panukalang batas na hinggil sa political dynasty. May progress sa Senado.
Divorce
I think as a starting point sa divorce, una, child support, kasi yung mga separada at mga abandonada, nag-disappear na lamang na parang bula ang mga ama ng kanilang mga anak.
Dapat habulin for either alimony or child support. May force of law, automatic.
Pangalawa, dapat kilalanin ding batas yung dissolution of marriage, malinaw, maayos, hindi messy, hindi madugo at hindi mahal.
Same sex marriage
Ang ipinaglalaban naman ngayon ay yung anti-discrimination bill. Sa eskwelahan man, sa trabaho, sa government offices, sa mga armed government offices like AFP and PNP, walang discriminatory practices on the basis of sexual orientation.
More of civil law recognition muna bago ang same sex partnership.
Death penalty
Anti forever. Bahagi kami, ang Akbayan, sa pagpapawalang-bisa niyan and there are very strong reasons all around that remained valid up to this day.
Yan ay cruel punishment.
Hindi siya deterrent sa heinous crimes kasi hindi naman iniisip ng salarin na baka patawan ako ng bitay and it’s documented even in all countries and all states na may death penalty, hindi siya deterrent sa violent crimes.
Ang totoong deterrent sa crimes ay yung certainty of arrest, prosecution and conviction.
Gawin nating maayos ang ating criminal justice system.
Napaka-anti-poor ng death penalty.
Napakaraming nasa death penalty noon ay mahihirap.
Charter change
Para kami sa shift to parliamentary form of government at kami ay naghahanap ng modelo ng federalism na bagay sa Pilipinas.
So, both of these, requiring constitutional reforms.
Yet, both of these may mga requirement siya sa national level in terms of building of institution.
Kailangan natin ng strong party system.
Kaya ganun na lamang ang kagustuhan ng Akbayan na maging isang tunay na partido kasi yun ang requirement ng parliamentary system, magbuo o mag-dissolve ng mga gobyerno sa isang parliamentary form of government.
Sa federalism, kailangan buwagin ang mga warlords, dynasties, private armies.
Despite sa stand ng Akbayan, tinutulan namin ang previous chacha efforts dahil nakakabit dito ang term extension at pagbukas ng ekonomiya sa mga dayuhan na walang pantay na suporta sa mga Pilipino.
Mining
Against kami sa large scale mining whether local o lalo na foreign.
Walang sustainable mining na pwedeng mangyari sa isang archipelago tulad natin na ang daming maliliit na isla. So, ang mineral management bill namin, una ay nagba-ban ng large scale mining, local or foreign.
Pangalawa, papayagan lamang pero mas istrikto sa lahat ng klase ng pagmimina, small scale, medium scale at saka community-scale mining.
Magtatakda ang bill namin ng no-go zone, including watershed, first growth forest.
Logging
Winelcome ko talaga ang logging ban ni Pangulong Aquino noon, just like yung kanyang executive order (EO) on mining. It’s a step to the right direction towards a new law on mining.
Tingin ko ang logging ban niya ay papunta sa forest sector natin.
FOI bill
Ang FOI bill, not all is lost pa rin.
Sa kanyang State of the Nation Address, dalawa ang ipinangako ni PNoy, yung RH at FOI.
Singilin natin siya diyan ngayon kasi para sa kanya yan.
Legalization of jueteng
No. I take risk on other things pero hindi ako gambler sa pera.
Dahil single mom ako, ni wala nga akong credit card, cash economy talaga ako.
So, para sa akin, napakaprecious ng bawat piso.
Hindi talaga ako pabor sa gambling bilang legal na industriya.
Peace Process
Nung pinirmahan ang Framework Agreement between the government and the MILF, para sa akin, that was the best day so far sa nakaraang dalawang taon ng administrasyon.
Within that day, kasabay ng pagpirma sa Framework Agreement ang wish ko talaga sana masimulan din ang peace talks sa NDF… sana maging legacy ni President Noy. —Bella Cariaso
Mga dapat mo pang malaman kay Risa
Bandera: Magkano ang inyong networth?
Risa Hontiveros: If I remember it correctly, yung huling na-file kong SALN, mga P6 milyon, including house, vehicle.
Meron kaming isang bahay, then yung lumang duplex namin… it is still being amortized.
Kotse, isa. Magka-car loan pa lang ako yung kaya na payable in five years. Ganyan talaga ang solo parent.
B: How is your love life?
RH: Is hopeful, kasi masaya ako nung nagpakasal kami ng late husband ko siyempre plano ko nun, we will grow old together at naging masaya ako bilang may asawa noon.
Happy ako kung pagtanda ko I will grow old with someone.
B: You are being linked with Presidential Adviser on Political Affairs Ronald Llamas? Any comment?
RH: He is a good friend and a good comrade.
B: Anong meron kayo ni Quezon Rep. Erin Tañada?
RH: He was my boyfriend in college, yun lang yun. He’s my ex.—Bella Cariaso
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.