Abu sa Sipadan kidnappings dakip sa Zambo
Nadakip ng mga tropa ng pamahalaan ang isang kasapi ng Abu Sayyaf na wanted para sa mga pagdukot sa Sipadan Island, Malaysia, noong 2000, nang magsagawa ng operasyon sa Zamboanga City kahapon, ayon sa pulisya.
Dinakip ng mga sundalo’t pulis ang suspek na si Munap Saimaran dakong alas-4:30 ng hapon sa Don Pablo Lorenzo st., sabi ni Chief Insp. Rogelio Alabata, tagapagsalita ng Zamboanga Peninsula regional police.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng warrant na inisyu ng NCR Regional Trial Court Branch 162 para sa 21 bilang ng kidnapping and serious illegal detention with ransom, ani Alabata.
Nag-ugat ang kaso sa insidente noong Abril 2000 sa Sipadan, Malaysia, kung saan 10 turista at 11 resort worker ang dinukot.
Dinala si Saimaran, may mga alias na “Mentang Abdulmunap” at “Said,” sa Western Mindanao Criminal Investigation and Detection Unit para idokumento at ma-debrief bago dalhin sa korte sa Pasig City, ani Alabata.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.