BUKAS, Jan. 1, 2016, ay Bagong Taon.
Sa unang araw ng 2016, inaasahan natin ang magiging mas ma-ganda ang taong ito kesa sa nagdaang taon.
Sana’y maging mas bumuti ang ating pakikipagkapwa-tao.
Ang pinakamagaling na guide sa mabuting pakikisama ay ang Golden Rule: Gawin mo sa
iyong kapwa ang gusto mong gawin ng iba sa iyo.
Ang mga taong naniniwala sa karma ay hindi mananakit ng kanyang kapwa kesa doon sa naniniwala na ang kanyang kasalanan sa kapwa ay mapapatawad kapag siya’y nangumpisal sa pari at nangumunyon.
Oo nga’t ang iyong kasalanan ay patatawarin kapag ikaw ay nangum-pisal sa pari—ng pari.
Dapat nating isaisip na kung ano ang ginawa natin sa ating kapwa ay gagawin din sa atin.
Kung ikaw ay nagnakaw sa iyong kapwa, nanakawan ka rin.
Kung ikaw ay pumatay ng walang dahilan, balang araw ay may papatay din sa iyo.
Ang masakit pa nito ay baka ang iyong mahal sa buhay ang maaaring magdusa ng kaparusahan ng iyong pagkakamali.
Walang nakakaligtas sa universal law of cause and effect—kung ano ang iyong tinanim, siya mong aanihin.
Noong ako’y police reporter, nasaksihan ko kung paano naganap ang karma sa drama ng buhay ng mga taong kilala ko.
Halimbawa, may isang bar sa boundary ng Quezon City at Manila kung saan ang kanilang main feature ay mga babaeng sumasayaw sa stage na nakabikini.
Ang bar na ito ay may mga waiters na ang tanging gawain lang ay gantihan ang mga customers na nanggulo sa loob ng bar o ayaw magbayad.
Kapag malayo na ang magulong customer o yung balasubas sa bar, sinusundan na ito ng mga waiters.
Pagdating sa isang madilim na lugar, sasaksakin na ang customer.
Isang araw, nagkagusto ang anak na may-ari ng bar sa isang bikini dancer at nagprisinta na ihatid ito sa bahay.
Hindi sinabi ng babae na siya’y may ka-live in.
Ang boyfriend ng dancer ay nasa labas nang dumating ang kotse ng naghatid sa kanya.
Sa sobrang pagseselos, pinagsasaksak ng boyfriend ang lalaki hanggang mamatay.
“Mabuti pang ako na lang ang napatay, Mon, dahil masakit na nauna pa ang aking anak sa akin,” sabi sa akin ng may-ari ng bar sa lamay ng anak.
Isang police captain sa Manila Police District ang nagbuhos ng masyadong pagmamahal sa kanyang anak na babae na noon ay kumukuha ng dentistry.
Araw-araw, ang pulis na ito ay aalis sandali sa kanyang opisina sa theft and robbery section upang sunduin sa eskuwela ang kanyang anak at ihatid ito sa bahay.
Ang pulis na ito ay isang vigilante; ibig sabihin ay nagsa-salvage siya ng mga pusakal na magnanakaw.
Pero naging mapagmalabis din siya sa kanyang tungkulin: pumatay din siya ng ilang mga inosenteng tao.
Gaya ng pagbaril niya sa isang motorista sa isang minor traffic incident; pinalabas niya na may baril ang motorista pero wala namang katotohanan ang sinabi niya.
Siya rin ay pinaghinalaan sa pag-ambush sa isang kapwa opisyal ng Manila Police na sinagot-sagot siya.
Ilang taon ang nakalipas, dentista na ang kanyang anak at may clinic sa Quezon City.
Isang araw, nilooban ang clinic ng batang dentista at pinatay ito.
Siya’y ninakawan bago pinatay.
Take note, dear readers: ang opisyal ng pulis na ito ay naging chief ng theft and robbery section noong siya’y nasa serbisyo pa; ang kanyang anak ay biktima ng robbery o panloloob.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.