Nakakalungkot ang kinahinatnan ng napakagandang career noon ni Claudine Barretto.
Makapangyarihan siya noon, puwede siyang umayaw sa isang proyekto kapag ayaw niya ang artistang makakasama niya, pero ngayon ay dumating siya sa punto na kahit sino na lang ang itambal sa kanya ay puwede na.
At kung kailan naman siya dumating sa ganu’ng sitwasyon ay saka walang nagbibigay sa kanya ng trabaho.
Mukhang sarado na ang pintuan para sa kanya ng nilayasan niyang ABS-CBN, hindi naman siya nagtagumpay sa kanyang paglipat sa GMA 7, at ano naman kaya ang naghihintay na proyekto sa kanya sa TV5?
Si Claudine ang eksaktong ehemplo ng isang personalidad na hindi nag-alaga sa kanyang career, nakahain na sa kanya noon ang magagandang oportunidad, pero hindi pa niya ‘yun inalagaan sa pag-aakala na wala nang paglubog ng araw sa kanyang propesyon.
Nakakalungkot isipin na napakahaba ng panahong ginugol niya para makilala, matindi rin ang pinagdaanan niyang labanan, pero humantong ‘yun sa ganito lang.Pinabayaan niya ang propesyonalismong naging puhunan niya nu’ng una, pati ang kanyang katawan ay napabayaan na rin niya, mabilis din siyang nagpapadala sa madayang emosyon na nagsadlak sa kanya sa kung anu-anong kaguluhan at kontrobersiya.
Alam ni Claudine Barretto kung saan-saang aspeto siya lumabis at nagkulang, walang dapat sisihin sa kinahinatnan ng kanyang career kundi siya lang, kung sana’y natuto lang siyang magpahalaga sa gintong oportunidad na paminsan-minsan lang naman dumarating sa mga katulad niya.
Sayang na sayang talaga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.