24 na patay kay Nona | Bandera

24 na patay kay Nona

John Roson - December 17, 2015 - 06:42 PM

Nona-Albay-620x510
Umabot na sa 24 ang bilang ng mga naiulat na nasawi, 36 ang sugatan, at walo pa ang nawawala dahil sa pananalasa ng bagyong “Nona” sa iba-ibang bahagi ng Luzon at Visayas, ayon sa mga awtoridad kahapon.

Pito ang nasawi sa Romblon, apat sa Oriental Mindoro, at isa sa Occidental Mindoro, sabi ni Supt. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng Mimaropa regional police.

Nasawi si Philip Corpus Alapar, 58, ng Occidental Mindoro, nang matamaan ng bumagsak na puno ng niyog, ani Tolentino.

Sa Oriental Mindoro, nasawi si Jhay Mark Opina nang tamaan ng pader ng kanyang bahay, habang si si Rene Privado ay nabagsakan ng nahulog na buko sa ulo at sina Rogie Adoyo at Bernie Silang ay kapwa nalunod, aniya.

Sa Romblon, nasawi sina Samuel White nang atakehin sa puso; Virgelyn Montilla, naaksidente ang sasakyan dahil sa natumbang puno; Robert Fadriquela, natamaan ng nahulog na debris; at Carina Fronda, nabagsakan ng puno; habang sina Juan Recto, Salde Recto, at Dante Austin, ay pawang mga nakuryente, ani Tolentino.

Nadagdag din sa mga nasawi si Army 2Lt. Michelle Mae Delariarte nang tamaan ng landslide ang sinakyan niyang Isuzu Crosswind sa Infanta, Quezon. Tatlo pang kawal, kabilang ang isa pang opisyal, na kasama niya ang nasugatan.

Dalawang tao naman ang natagpuang patay at dalawa ang naligtas sa isang cargo boat na dinala ng malalaking alon sa Mulanay, Quezon, alas-5 ng umaga kahapon.

Naligtas nang buhay sina Ramier Bujawe at Rodrigo Cabague, pero ang patay na ang dalawa nilang kasamahan at apat pa ang nawawala, ayon sa ulat ng Quezon provincial police.

Napag-alaman na ang bangka, na kung tawagi’y “batel,” ay dadaong na sana sa Masbate noong Dis. 15 at tinangay ng malalakas na alon patungo sa laot, hanggang sa mapadpad sa Mulanay.

Una dito’y inulat ng mga awtoridad na may apat pang nasawi sa Northern at Eastern Samar, dalawa sa Sorsogon, isa sa Masbate, at isa sa Batangas.

Pero sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council kahapon, walo pa lang ang naiuulat na nasawi at 12 ang nasugatan dahil sa mga insidenteng dulot ni “Nona.”

Inulat din ng NDRRMC kahapon na umabot na sa 109,065 bahay ang winasak at napinsala ng bagyo sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol, at Eastern Visayas.

Dalawang lungsod at 38 pang bayan sa mga apektadong rehiyon ang wala pa ring kuryente kahapon, habang umakyat na sa P320.5 milyon ang naitatalang halaga ng pinsala sa imprastruktura at agrikultura, ayon sa NDRRMC.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Dahil sa lawak ng pinsala, nagdeklara na ng state of calamity ang Albay at Sorsogon.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending