NAG-ISYU ng 20-araw na temporary restraining order ang Quezon City Regional Trial Court (RTC) laban sa operasyon ng transportation network vehicle service (TNVS) gaya ng Grab car at Uber.
Ang nasabing TRO ay inilabas ng Quezon City RTC Branch 217 laban sa kautusan ng Department of Transportation and Communications (DOTC) at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nag-aapruba sa operasyon ng mga TNVS gaya ng Uber at Grab car kahit wala silang prangkisa at ang tanging hawak ay akreditasyon mula sa LTFRB.
Partikular na pinigil ng korte ang Department Order No. 2015-011 ng DOTC kung saan inilunsad ang pagdaragdag ng standard classifications para sa public transport conveyances.
Pinaburan ng korte and kahilingan ng Stop and Go Coalition na nagsabing apektado ang kabuhayan ng tsuper na bumibiyahe gamit ang mga sasakyang may prangkisa matapos payagan ng DOTC ang operasyon ng Uber at Grab car.
Partikular na tinukoy ng Stop and Go Coalition na nabawasan kalahati ang naiuuwing kita ng mga taxi drivers dahil sa mga nagsulputang App-based transport system.
Kasabay nito, nagtakda ng pagdinig ang korte sa nasabing isyu sa December 8.
Una nang sinabi ni Jun Magno, presidente ng nasabing koalisyon na labag sa batas ang pagpayag ng DOTC at LTFRB na makabiyahe ang mga sasakyang sakop ng Uber at Grab dahil wala silang prangkisa.
Sinisingil din umano nila ang mga pasahero nang walang karampatang taripa mula sa LTFRB.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.