Susan Roces kay Grace: Laban lang anak!
Agad na dinalaw ng movie queen na si Ms. Susan Roces ang anak na si Sen. Grace Poe sa bahay nito matapos harangin ng Comelec ang kandidatura ng senadora sa pagkapangulo sa 2016 eleksyon.
Pagkatapos na pagkatapos ng ta-ping ng Ang Probinsyano ay agad na pinuntahan ng veteran actress ang anak para magbigay ng suporta at pinayuhang ituloy lang ang kanyang laban.
Narinig daw ni Ms. Susan ang desisyon ng Comelec sa radyo nang sila ay naghahapunan kasama ang cast ng top-rating teleserye ng ABS-CBN na hango sa 1997 movie ng asawang si Fernando Poe, Jr..
“Bilang nanay, gusto lang naman niya na bigyan ako ng kaunting suporta sa mga panahong ganito,” kwento ni Grace sa isang panayam sa radyo kahapon.
Ipinaalala raw ni Susan kay Grace na ang mga problema sa Comelec ay pinagdaanan din ni FPJ nang tumakbo itong pangulo noong 2004. Ang mga ganitong sakripisyo raw ay “worth it” kung hangarin niyang maka-tulong sa mga kababayan.
“Tinuruan ako ng Nanay ko na maging matapang din kaya ang pagpunta niya rito ay para makiisa at para mapaalala rin sa akin na talagang ang mga pinagdaanan noon ng tatay ko, na hindi na ito bago,” sabi ng senadora.
“Sabi niya worth it naman ito eh. Kasi kung saka-sakaling ikaw ay pagpalain at sabihin ng Diyos na ikaw ay karapat-dapat para diyan, ang dami mong pwedeng tulungan,” dagdag pa ni Grace.
Umaasa ang senadora na kagaya ni FPJ, hahayaan din siya ng Korte Suprema na tumakbo sa pagkapangulo at pababayaan ang taumbayan ang siyang magdesisyon sa kaniyang kandidatura sa isang malinis na halalan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.