Leni nasa panic mode at ang mga bilyonaryong supporter ni Chiz
ANIM na buwan bago ang eleksyon ay tila nasa panic mode na si CamSur Rep. Leni Robredo, ang kandidato ng Liberal Party para sa bise presidente.
Nagkukumahog na ang running mate ni dating Interior Sec. Mar Roxas dahil hanggang ngayon ay nangungulelat pa rin siya sa survey.
Sa Pulse Asia survey na inilathala noon lang Miyerkules ay nasa pang-apat si Robredo na may nakuhang 7 porsyento. Milya ang layo nito sa mga nangungunang sina Sen. Francis Escudero (43 porsyento), Sen. Bongbong Marcos (21 porsyento) at Sen. Alan Peter Cayetano (11 porsyento). Ang tanging naungusan niya ay si Sen. Antonio Trillanes IV na may 6 porsyento.
Hirit ng nagmamadaling si Robredo: “I have to exert more effort going around, introdu-cing myself.
Kailangang sipagang magpakilala. Maraming tao ang hindi pa ako kilala.”
Isa sa mga solusyon niya para manalo, maliban sa magpakilalang asawa ng namayapang Int. Sec. Jesse Robredo, na hindi rin naman masyadong kilala sa labas ng Bicol, ay umasa sa suporta ng mga kapatid ni PNoy na sina Viel, Ballsy at Pinky.
Kung ito lang ang paraan ni Robredo para bumango ang kanyang pangalan sa masa ay walang siyang aasahan.
Kung si Aquino nga ay nahihirapang pabanguhin ang pangalan ni Mar sa publiko, kahit pa walang-habas na niyang ikinakampanya ito sa bawat pagtitipon na pinupuntahan, ang mga utol pa kaya ng presidente?
Mayroong 42,028 barangay sa Pilipinas at simula Peb. 9 hanggang Mayo 7, ang nakalaang petsa sa kampanya, ay meron lamang siyang 88 araw para isa-isahin ang mga ito.
Sa dami ng mga Pinoy na di siya siya kilala at walang alam sa kung saang sulok ng Pilipinas siya nagmula, huwag na niyang hintayin pa ang campaign period, ngayon pa lang ay magbahay-bahay na siya dahil tiyak na mangungulelat din siya sa resulta ng botohan.
Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin kung sino ang gumastos sa kasal nina Sen. Chiz Escudero at Heart Evangelista sa members-only na Balesin resort sa Quezon noong nakaraang Peb. 15.
Hindi namin minemenos si Chiz, pero kung ang pagbabasehan ay ang kanyang networth noong 2013 na umabot lamang sa P8.243 milyon tiyak ay mahihirapan siyang punan ang gastos sa kasal at sa ikalawang reception sa The Blue Leaf Filipinas sa Parañaque sa kanyang “kakarampot” na yaman.
Hindi ba’t noong taon na iyon ay siya ang itunuring na ikalawang “pinakamahirap” na senador.
Kaya hindi masisisi ang iba kung iisipin na ang mga bilyonaryong tagasuporta niya ang tumulong sa kanila upang matupad ang nasabing fairy tale wedding.
Pahulaan pa nga kung sino sa mga ninong – Hans Sy ng SM group Ramon Ang ng San Miguel Corporation, Fernando Zobel ng Ayala Corporation, Andrew Tan ng Megaworld Corporation, Lance Gokongwei ng Robinson’s Corporation, Cebu Pacific at JG Summit, Bobby Ongpin ng Alphaland at Jerry Acuzar ng New San Jose–ang nag-sponsor ng kasal kung mayroon man.
Sa totoo ay wala namang masama kung may tumulong na mga biga-ting tao kina Chiz at Heart sa kasalan, pero dapat isipin na bilang isang mambabatas ay mayroong conflict of interest dito.
Sa kasalukuyan ay miyembro si Chiz ng makapangyarihang Blue Ribbon committee, na dumidinig sa mga kaso na may kinalaman sa mga anomalya sa paggastos ng pera ng bayan at sa mga paglabag ng mga pribadong kumpanya na may kontrata sa pamahalaan.
Kamakailan ay i-pinatawag sa Senado si Ongpin, ang may-ari ng Balesin resort, upang magpaliwanag ukol sa kuwestiyonable umanong negosasyon na may kinalaman sa lupang pag-aari ng Boy Scouts of the Philippines.
At kung mahalal siya bilang ikalawang pangulo, ano ang gagawin niya sakaling sumabit sa kontrobersya ang mga kumpanya ng kanyang mga ninong?
Kahit di siya magtaas ng daliri, iisipin ng tao na minamaniobra niya ang kaso upang malinis ang pangalan ng mga sangkot niyang wedding sponsors.
At sakaling maiwasan niya ang mga alegasyon ng conflict of interest, mapupulaan pa rin siya dahil ang hindi niya pagkibo o pakikialam sa mga nasabing usapin ay pagtalikod sa susumpaan niyang tungkulin bilang ikalawang pinakamataas na tagapagsilbi sa bayan na ipaglalaban ang makakabuti sa karamihan ng mga Pilipino.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.