Pasahero namatay habang nakasakay ng eroplano mula Canada papuntang Maynila
NAMATAY ang 82-taong-gulang na pasahero kahapon habang nasa 14-na-oras na flight mula Canada papuntang Maynila.
Ayon sa ulat mula sa Manila International Airport Authority (MIAA), nakasakay si Macario Gonzales ng Philippine Airlines (PAL) mula Vancouver nang ireklamo niya ang pananakit ng likod, pitong oras bago ang nakatakdang pagdating ng eroplano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 2.
Humingi ang biktima sa isang stewardess ng hot compress para mailagay sa kanyang likod.
Makalipas ang apat na oras, o ganap na alas-11 ng umaga, napansin ng mga crew na hindi kumikilos si Gonzales. Tinangka ng asawa ni Gonzales na kanyang kasama sa flight na gisingin siya ngunit nabigo siya.
Tinangka ng isang doktor na nasa flight na i-revive ang pasahero ngunit idineklara siyang patay makalipas ang 30 minuto dahil sa cardio-pulmonary arrest.
Tinatayang 30 minuto bago ang paglapag ng eroplano ng PAL sa NAIA, itinawag na ang pagkamatay ni Gonzales sa station control ng airline.
Nang lumapag ang eroplano ganap na alas-4:47 ng umaga, pansamantalang dinala ang labi nito sa ramp clinic ng airport habang isinasaayos ang burol ng kanyang pamilya ang burol ng biktima.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.