NAKAHINGA na ang lahat, isang linggo matapos ang pagdaraos ng Asia Pacific Economic Coooperation (Apec) summit.
Pero bago ito, naging masyadong abala ang lahat ng mga opisyal at maging mga empleyado para matiyak na maging matagumpay ang pagdaraos ng Apec sa bansa.
Pero bukod tangi yatang si Presidential Spokesperson Edwin Lacierda lang ang naiiba, dahil animo’y nakabakasyon ito sa buong panahong Apec.
Marami ang natawag ang pansin sa “pagbabakasyon” nitong si Lacierda na wala yatang ginawa kundi ang kumuha ng remembrance o magparetrato, at mag-selfie sa mga bumibisitang pinuno ng iba’t-ibang bansa.
Bukod sa APEC, nagkaroon din ng kabi-kabilang bilateral meeting sa mga lider ng ibang bansa si Pangulong Aquino, at imbes na makihati sa trabaho ang opisyal sa pagbibigay ng ulat sa media kaugnay ng mga isinagawang pag-uusap, mas pinili pa ni Lacierda na kumuha ng mga litrato ng mga bumibisitang mga pinuno at i-post sa social media, partikular sa kanyang Twitter account.
Hindi magkandamayaw itong si Lacierda sa pagkuha ng larawan ni Mexican President Enrique Nieto matapos ang state visit sa bansa.
Sa bilateral talks naman ni Ginoong Aquino at ni US President Barack Obama, hindi rin nakapagpigil si Lacierda sa pakikipag-selfie rito at proud na proud na ipinost sa social media ang kanilang selfie.
Mababaw na isyu kung tutuusin, pero hindi ba naisip nitong si Lacierda na may trabaho siyang dapat gampanan bago unahin ang sarili at makipag-kompetensiya sa social media sa kung sino ba ang naka-selfie niya.
At dahil nga sa naging abala sa sarili itong si Lacierda, sinolo lang ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) head Secretary Herminio “Sonny” Coloma ang trabaho sa pagbibigay ng briefing sa media.
Hindi na bago ang reklamong ganito laban kay Lacierda. Hindi ba’t isyu rin sa kanya ngayon na imbes na harapin ang media para ipagbigay-alam sa publiko ang ginagawa ni Ginoong Aquino at ng kanyang administrasyon, abalang-abala ito sa pangangampanya sa pambato ng Liberal Party (LP) na si Mar Roxas.
May mga pagkakataon na imbes na magbigay ng briefing sa araw kung kailan siya nakatoka, ay magtatanong pa ito kung kailangan pa talaga niyang magpresscon.
Bilang tagapagsalita ng Palasyo, hindi na siguro kailangan pang itanong ni Lacierda kung dapat ba o hindi na magbigay pa siya ng briefing.
Mahirap talaga kapag dalawa ang pinaglilingkurang amo; at sa kaso ni Lacierda, hindi naman masamang magbitiw na lamang siya sa kanyang trabaho bilang tagapasalita ng Malacanang at magpokus na lamang sa kampanya ni Roxas.
At kung ayaw naman niyang iwan ang trabaho niya, sana lang ay tumbasan niya ng maayos na trabaho ang ipinasusweldo sa kanya ng taumbayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.