Escudero: Poe nasasaktan sa mga kritisismo laban sa kanya
SINABI kahapon ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na nasasaktan si Sen. Grace Poe kaugnay ng mga batikos sa kanya, partikular ang isyu kaugnay ng kanyang citizenship.
“Siyempre palaging naapektuhan, andun naman palagi yun. Tao lamang din, siyempre nasasaktan,” sabi ni Escudero, na siyang ka-tandem ni Poe sa 2016 presidential polls.
Idinagdag ni Escudero na tao lamang si Poe para hindi masaktan sa mga isyung ipinupukol laban sa kanya.
“Subalit sa dulo at sa kabila ng lahat ng ito, buong tapang pa ring haharapin ni Senator Grace ang mga bagay at isyung ‘yan at mga kasong ‘yan dahil nga sa paniniwala na siya ay nasa tama at nasa panig niya ang katotohanan at batas,” dagdag ni Escudero.
Ito’y matapos namang ihayag ni Davao City Mayor Rodrgio Duterte ang kanyang kandidatura sa pagkapangulo matapos namang ibasura ng Senate Electoral Tribunal (SET) ang petisyon na kumukuwestiyon sa citizenship ni Poe.
“Alam niyo, kung alam na po ni Senator Grace ‘yan, noon pa man kandidato man siya o hindi, siyempre hindi lang niya nilabas, e siyempre niyakap din niya at iniyakan din kung makikilala lamang niya. Bago pa man tumakbo si Senator Grace, sinisikap na nilang hanapin ang tunay niyang mga magulang,” dagdag ni Escudero.
Nauna nang sinabi ni Duterte na iuurong niya ang kanyang kandidatura sakaling mapatunayan ni Poe na siya ay natural-born na Pilipino.
“Sino ba namang foundling, o napulot o nadampot na bata ang kilala niyo na hindi nanaising makilala ang kanyang mga magulang at tumingin sa kanyang mga mata. Lahat naman siguro gusto ‘yun. Pati si Senator Grace, gusto rin ‘yun. Wala siyang choice sa kasong ito,” dagdag ni Escudero.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.