Nowitzki binuhat ang Mavs vs 76ers | Bandera

Nowitzki binuhat ang Mavs vs 76ers

Frederick Nasiad - November 18, 2015 - 01:00 AM

nowitski

PHILADELPHIA — Umiskor ng 21 puntos si Dirk Nowitzki, kabilang ang pito sa krusyal na bahagi ng fourth quarter, para pangunahan ang Dallas Mavericks sa 92-86 panalo laban sa wala pang panalong Philadelphia 76ers kahapon sa NBA.

Si Jahlil Okafor ay gumawa naman ng 19 puntos at 11 rebounds para sa 76ers, na hindi pa nananalo sa 11 laro sa season na ito. Kung bibilangin ang sampung diretsong kabiguan sa pagtatapos ng season noong isang taon ay lumobo na sa 21 ang losing streak ng Philadelphia.

Huling nakalasap ng panalo ang Philadelphia noong Marso 25 sa Denver. Ang all-time record for consecutive losses ng 76ers ay 26.  Si Chandler Parsons ay nag-ambag ng 20 puntos para sa Mavericks, na kailangan pang mag-rally sa final period para malusutan ang 76ers.

Lumamang ng 19 puntos ang Dallas sa first half pero naagaw ng 76ers ang kalamangan, 82-81, may apat na minuto at 23 segundo pa ang nalalabi sa laro.

Grizzlies 122, Thunder 114
Sa Memphis, ang bagong lipat sa koponan na si Mario Chalmers ay tumira ng season-high 29 puntos para itulak ang Grizzlies sa maigting na panalo kontra Thunder.

Si Chalmers, na nakuha ng Memphis sa isang trade mula Miami Heat noong isang linggo, ay tumira ng 6-of-13 field goals kabilang ang 4-of-7 mula sa three-point area para pangunahan ang bench contribution ng Grizzlies.

Si Mike Conley ay may 22 na puntos, si Jeff Green ay may 20, si Marc Gasol ay may 17 at si Zach Randolph ay tumapos na may 12 points at 10 rebounds para sa Memphis.  Sinira ng Grizzlies ang 40-point, 14-assist performance ni Russell Westbrook.

Hindi nakapaglaro ang injured na si Kevin Durant para sa Oklahoma City kahapon.

Spurs 93, Blazers 80
Sa San Antonio, umiskor ng 19 puntos si Kawhi Leonard at gumawa ng 17 si Manu Ginobili para pagbidahan ang ikalimang diretsong panalo ng San Antonio.  Sina Danny Green at Boris Diaw ay kumana ng tig-12 puntos para sa Spurs.

Ang Portland ay pinamunuan ni Damian Lillard na may 27 puntos habang si Al-Farouq Aminu naman ay may 17 puntos para sa Portland.

Sina Leonard at Ginobili ay parehong di naglaro sa laban ng San Antonio kontra Philadelphia nitong Linggo dahil sa minor injury pero agad na bumawi sa kanilang pagbabalik kahapon.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Bulls 96, Pacers 95
Sa Chicago, bukod sa 17 puntos na ginawa sa laro ay natapal pa ni Jimmy Butler ang huling tira ni Paul George para makuha ng Bulls ang ikapitong panalo sa sampung laro.

Sa mga huling sandali ng laban ay may tsansa ang Pacers na maagaw ang panalo pero nabantayan ng husto ni Butler si George at nasupalpal nito ang tira ng dating All-Star forward.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending